Sunday, December 22, 2024

Sigaw ng Kabataan: Boboto Kami Para sa Amin, Hindi Para sa Matatanda

15

Sigaw ng Kabataan: Boboto Kami Para sa Amin, Hindi Para sa Matatanda

15

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Sari-saring pakulo ang inihandog ng mga kandidato nang magsimula ang pangangampanya noong ika-walo ng Pebrero. Sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga proclamation rally, libo-libong Pilipino ang nagbigay suporta sa mga napupusuan nilang kandidato. Dito ipinamalas ang pagsang-ayon sa mga plataporma, pagpapakilala sa mga kapwa politiko, at pagtanggap ng mga adhikain para sa maihahalal sa pwesto. Naging daan rin ito upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga taong sumusuporta sa kanya-kanyang mga partido. Marami sa mga kabataan ang boluntaryong nakiisa sa mga pangangampanya. Ito ay dulot ng pagtaas sa bilang ng mga “youth voters”. 

Ayon sa COMELEC, 52% ng kabuuang bilang ng botante ang bumubuo sa pangkat ng “youth vote.” Mahigit limang milyon nito, kabilang sa edad na 18-21, ay mga bagong rehistrado. Lumagpas ito sa layuning datos, bagay na maaaring magpabago sa takbo ng darating na eleksyon. 

Ang mga kabataan ay namulat kasabay ng pag-usbong ng teknolohiya at  impormasyong nakikita at nababasa nila rito. Kapansin-pansin ang paggamit sa social media upang makilahok sa mga usapin tungkol sa pulitika. Kabilang dito ang paglaban sa fake news at wastong pagbeberipika ng mga isyung kinakaharap ng mga kandidato. 

Isa sa mga nangungunang politiko sa pagkapangulo ay ang dating senador na si Bongbong Marcos at kalaban nito sa pwesto, kasalukuyang Bise Presidente, Leni Robredo. Sumikat sa social media ang isang lalaking nagmungkahing, “boboto kami para sa amin, hindi para sa matatanda.” Nagpakita ito ng suporta sa Bise Presidente habang dumadaan ang caravan ng senador. 

Bagamat nakatanggap ng iilang batikos mula sa oposisyon, umani ito ng papuri at naging dahilan ng diskursong tumatalakay sa kinabukasan ng Pilipinas. Maraming kabataan ang naaantig at sumasang-ayon sa mensahe. Isang patunay na ang bagong henerasyon ay sumasalamin sa yugto ng makatuwirang lipunan, may pakialam at paninindigan sa isang tapat na gobyerno. 

Hindi maikakaila na may namumuong tensyon sa pagitan ng mga kabataan at matatanda, ng kulay rosas at pula. Indikasyon ito na ang agwat sa kulturang kinalakihan ay hadlang sa pagwawasto ng kasaysayan. 

Mahalaga ang dulot ng mga kabataang umaako sa responsibilidad ng wastong pagboto. Ang kaalaman nila sa iba’t ibang social media ay maaaring magamit sa mga adbokasiya ukol sa halalan at pagmulat ng patriotismo sa bansa. Sa pagsipat ng kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas, mas nagiging wais na ang mga ito at patuloy na natututo sa pagkakamali ng nakaraan.  

Ang mga maihahalal ay may malaking epekto sa kung anong klase ng pamumuhay ang ipagpapatuloy ng mga kabataan at mga susunod pang henerasyon. Kaya sa darating na Mayo, piliin kung ano ang tama at sino ang karapat-dapat. 

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila