Isinulong ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang panukala para magkaroon ng isang penal law na pag-iisahin at i-a-update ang lahat ng mga kasalukuyang batas laban sa illegal recruitment.
Ang House Bill 7865 ay naglalayong parusahan ang illegal recruitment gamit ang information and communications technologies o mas kilala bilang “online illegal recruitment” at magpataw ng mas mataas na parusa sa mas mabigat na kaso nito.
Kamakailan, mayroong mga kaso ng illegal recruitment sa mga overseas Filipino worker sa mga bansa sa Southeast Asia na madalas nauuwi sa human trafficking.
“One of the identified gaps contributing to the evolving problem of illegal recruitment is the absence of a single penal law. Nakakalat lang sa iba’t-ibang mga lumang batas ang mga probisyon sa illegal recruitment. Kung seryoso tayo sa ating laban kontra sa illegal receruiters, dapat palakasin natin yun batas na magpaparusa sa mga kawatang ito. Mas mapangahas na sila ngayon kaya’t hindi pwedeng maiwan sa kalumaan ang ating sistema, lalo na ang ating batas, sa pakikipaglaban sa kanila,” ani Magsino.
Idiniin din niya na kasama sa panukala ang mga mekanismo para mapabilis ang imbestigasyon at prosecution ng mga lumabag sa batas sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at partisipasyon sa international level.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development, Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration, at iba pang angkop na ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ay maaaring magbigay ng social services sa mga biktima ng illegal recruitment at ang kanilang mga pamilya bilang suporta..
“Nagpapasalamat tayo sa DOJ (Department of Justice), NBI (National Bureau of Investigation), DMW, at DFA sa pakikipagtulungan sa OFW Party List upang makagawa tayo ng komprehensibo at bagong batas kontra sa illegal recruitment. The government needs to be proactive on this pernicious problem. Hindi na pwedeng laging reactive lang ang mga hakbang natin at tayo ang naghahabol sa mga nanloloko sa ating mga kababayan. Dapat maging mas wais tayo sa kanila,” ani Magsino.
Photo credit: Facebook/airbranch