Sinupalpal ni Senador Win Gatchalian ang mga naunang pahayag ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na siya ay homeschooled at tinuruan lamang ng isang teacher “Rubilyn” sa kanilang farm.
Sa isang Senate hearing, isiniwalat ni Gatchalian ang ilang dokumentong di umano’y magpapatunay na nag-aral si Guo sa isang regular school sa Quezon City.
“Merong mga tips na lumabas sa amin na apparently si Guo Hua Ping o si Alice Guo [ay] hindi lumaki sa farm. Hindi rin siya home schooled — nag-aral ho siya, and I’ll show you the proof.”
Lalo pa niyang pinawalang-saysay ang mga pahayag ni Guo sa pamamagitan ng pagbanggit na siya mismo ay nag-aral sa parehong paaralan, ang Grace Christian High School.
“Dahil nga lumabas sa hearing yung totoong pangalan niya — nagaral siya sa [ka]parehas kong school: sa Grace Christian High School. For Grades 1, 2, and 3.”
“Year 2000-2003. Hindi siya homeschool[ed] ni Rubilyn, nag-aral talaga ho siya. At kung matatandaan ko sa school namin walang farm doon, puro building ho,” dagdag ng mambabatas.
Ang paghahayag na ito ay nagdaragdag ng isa pang layer sa patuloy na pagsisiyasat sa mga aktibidad ni Guo. Ang Senate committee sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ay nagsasagawa na ng mga pagdinig mula pa noong Mayo hinggil sa pagdami ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa. Ang diumano’y kaugnayan ni Guo sa mga operasyong ito ay ang naging pokus ng imbestigasyon.
Photo credit: Facebook/senateph