Kumbinsido si Davao City Mayor Baste Duterte na walang espesyal sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos nang sabihin niyang magiging paulit-ulit lamang ito dahil walang konkretong solusyon ang pangulo sa tunay na mga isyu ng bansa.
Sa kanyang segment na “Basta Dabawenyo” sa kanyang YouTube channel, sinabi ni Duterte na hindi na siya umaasa na may bagong ulat sa Bayan si Pangulong Marcos sa kanyang SONA dahil sa umano’y paulit-ulit lang niyang pahayag.
“Magbabalik-balik lang siya sa [issue] ng WPS [West Philippine Sea], POGOs, o [di kaya] si Quiboloy. Wala kasi siyang ibang plataporma. Wala siyang plataporma na inaaddress ang mga domestic issues ngayon.”
Dagdag pa ni Duterte, wala rin umanong sapat na pagkilos ang administrasyong Marcos sa iba pang isyu na kinakaharap ng bansa na direktang aniyang nakakaapekto sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Aniya, kung tunay na may pake ang pangulo sa taumbayan ay dapat binibigyan niya ng balanseng pagtingin ang problema sa loob at labas ng bansa. “Nagfocus sila sa problema sa labas tulad sa WPS para mawala yung attention sa problema sa ground. Para matabunan.”
Matatandaang isa si Duterte sa nagsabing ang isyu sa West Philippine Sea ay isa lamang propaganda sa pagitan ng mga Amerikano at Tsino at idinadamay na lamang ang Pilipinas. Aniya, kung magpapatuloy ito, mga sundalong Pilipino lamang ang mapapahamak.