Umalma si Senador Alan Peter Cayetano sa umano’y masasayang na pagkakataon ng mga lider-kabataan bunsod ng pagpapaliban ng Sangguniang Kabataan (SK) elections mula December 2022 tungong October 2023.
Sa isang manifestation sa Senado, sinabi niya na kinapos sa oras ang bicameral committee upang isa-alang-alang ang ilang mahahalagang probisyon mula sa mga senador sa napagkasunduang bersyon ng nasabing panukala.
Bagama’t naiintindihan niya kung bakit kailangan ipagpaliban ang SK elections, madidisqualify nito ang mga kandidatong over-age na pagsapit ng October 2023, ani Cayetano.
Sa ilalim ng SK Reform Act of 2015, tanging mga Filipino citizen na edad 18 hanggang 24 lang ang maaaring kumandidato sa SK elections.
“Ngayon lahat ng mga SK na 24 years old, hindi na pwedeng tumakbo next year, so ninakaw natin at nanakawin natin ang pangarap nila because we postponed it,” aniya.
Idinirekta ni Cayetano ang kanyang mga komento kay Senador JV Ejercito, na siyang nagpresenta ng bicameral committee report tungkol sa Senate Bill No. 1306 at House Bill No. 4673 na nagpapaliban sa barangay at SK elections sa October 2023. Ipinasa ng Senado ang napagkasunduang bersyon ng panukala noong Miyerkules ng gabi.
Nakalatag sa Senate version ng panukala na payagang tumakbo sa October 2023 barangay at SK elections ang mga SK candidates na ngayon ay edad 24, bagama’t sila ay over-aged na susunod na taon, ayon sa kanya.
Photo Credit: Senate of the Philippines website