Inamin ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng reward system para sa mga pulis na nakapatay ng malalaking drug suspects sa kanyang war on drugs.
Sa harap ng House Quad Comm, sinabi niya na binibigyan ng insentibo ang mga pulis na lumahok sa mga operasyon laban sa droga, kasabay ng kanyang pag-amin na minsan ay personal pa siyang nagdadagdag sa mga reward.
“Reward? Correct. Very correct. Talagang totoo,” sagot ng dating pangulo sa tanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa ika-11 na pagdinig ng quad comm.
Sa kanyang pag-amin, pinatotohanan ng dating pangulo ang naging rebelasyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma kung saan sinabi nito na ang reward system ay ibinase sa “Davao Model.”
Ayon kay Garma, ang mga cash reward ay naglalaro mula P20,000 hanggang P1 milyon, depende sa target.
Samantala sa interpellation ni quad comm co-chair at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, inamin ni Duterte na ang ilan sa mga sobra ng kanyang campaign funds ay napunta sa kaniyang anti-drug operations, subalit giniit na ang hakbang na ito ay para “protektahan ang public interest.”
Idinagdag niya na kailangan ng karagdagang pondo para masuportahan ang mga operasyon at intelligence, na madalas kulang sa regular na sahod ng mga pulis.
“You have to spend money for operations, intelligence,” ayon sa dating pangulo. Ipinaliwanag niya na kahit ang mga kagamitan at pang-araw-araw na pondo ay hindi saklaw ng regular na budget ng mga pulis kaya’t kailangan talaga ng karagdagang pondo para sa mga seryosong krimen.
Inamin din ni Duterte na nagbibigay siya ng mga lethal order sa mga operasyon. “At ang order ko sa kanila, sir, nandito na lang rin tayo, ‘pag nahuli ninyo, patayin ninyo lahat. ‘Wag ninyong dalhin sa… pupunta ng presuhan, papakainin ko pa ‘yang mga yan.”
Bukod pa sa mga pag-amin na ito, sinabi rin ng dating pangulo na may anim o pitong tao na siyang personal na pinatay noong siya ay mayor pa ng Davao City.
Nang tanungin kung kaya niyang akuin ang responsibilidad sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, nanindigan si Duterte na siya ay may “full responsibility” sa mga nangyari.
Hinamon din ng dating pangulo ang International Criminal Court (ICC) na simulan ang imbestigasyon sa kanyang drug war sa lalong madaling panahon. “I’m asking the ICC to hurry up,” ani Duterte, na nagsabing handa siyang harapin ang parusa kung mapatunayang guilty siya.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH