Inamin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na mananatili siyang miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) Laban sa kabila ng usap-usapan na maaaring sumibat sila nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go at Francis Tolentino sa nasabing partido.
Sa isang pahayag sa DWPM Radyo 630, ibinahagi ni Dela Rosa na solid member pa rin siya ng PDP-Laban lalo na sa darating na eleksyon. Ito ay matapos ang biglaang pag-alis ng ibang miyembro ng partido.
Aminado ang senador na patuloy ang pagbaba ng miyembro ng PDP-Laban ngunit tiniyak niya na hindi siya aalis pati na rin ang ibang kilalang miyembro nito tulad nina Go at Tolentino.
“Well ako, wala akong balak na umalis [kasi] saan ako pupunta kung aalis ako? Wala man akong ibang pupuntahan.”
Nagbigay-komento rin si Dela Rosa tungkol sa kanyang pagtakbo bilang independent candidate. Aniya, magiging posible lang ito kung hindi sila tatanggapin ng administrasyon o ng oposisyon.
“As far as administration or opposition is concerned baka pwede kami maging independent. Nasa gitna [kami], kung hindi kami dadalhin ng administration ‘diba? Kung puno na sila [at] hindi na kami tatanggapin, dito kami sa gitna,” aniya.
Sa kabila nito, sinabihan niya naman ang kanilang chairperson sa PDP-Laban na si dating pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang tumakbo sa susunod na eleksyon kung maabuso lamang nito ang kanyang kalusugan.
“Wag na nating masyadong i-stress yung tao. […] mas prefer niya na tatahimik nalang at magpahinga pero kapag mga national interests na talagang hindi siya pwedeng manahimik, matitrigger na naman yung kanyang desire to offer his service to the Filipino people.”
Maalalang noong mga nakaraang araw ay napabulaanan ang isyu na yumao na si Duterte dahil sa kanyang pagiging missing in action. Ngunit binasag naman ni Go ang aniya’y fake news na ito nang maglabas siya ng latest video ni Duterte.