Nanawagan si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kay dating Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na tumutok sa pagbibigay ng mga solusyon sa tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS) sa halip na hinihingi ang pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa press conference sa House of Representatives, binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa constructive contributions sa pagtugon sa hindi pagkakaunawaan sa WPS.
“Maybe it would be a good contribution by the former Speaker to put forward solutions. Ano ba ang pwedeng solusyon dito sa dispute na ito? Ano ba ang dapat gawin instead of calling for a resignation? Because that [call for] resignation will not really solve the problem.”
Nauna nang iminungkahi ni Alvarez na magbitiw si Pangulong Marcos para mabawasan ang tensyon sa WPS. Gayunpaman, kinuwestyon ni Garin ang katwiran sa likod ng panawagang ito at sinabing may mga umiiral na proseso tulad ng halalan o impeachment bilang mga mekanismo para sa pagtugon sa leadership concerns.
“‘Yung isang tao kapag binoto ng tao, ang makakatanggal sa kanya ay ang sambayang Pilipino rin. It’s not fair for one person to call on the President to resign specifically if you cannot pinpoint the specific lapses.”
Nagpahayag din si Garin ng optimismo tungkol sa pagtugon sa isyu ng WPS sa ilalim ng pamumuno ng administrasyong Marcos, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagprotekta sa teritoryo ng bansa. Nabanggit din niya ang pagiging kumplikado ng iringan sa WPS, na hindi lamang kinasasangkutan ng Pilipinas at China kundi pati na rin ang Vietnam, Thailand, Taiwan, at Malaysia, lahat ay may mga claim dito.
Photo credit: House of Representatives Official Website