Kung si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang tatanungin, kitang kita ang kasikatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kilalang negosyanteng Malaysian sa kanyang kamakailang tatlong araw na pagbisita sa Malaysia upang isulong ang Pilipinas bilang isang sentro ng pamumuhunan.
“They find him so statesman-like, very open, and even the big businessmen here they find him very humble, approachable and very open,” sinabi niya sa isang pahayag.
Dagdag ni Romualdez, ang pagbisita sa Malaysia ay produktibo at nagbunga ng malaking investment commitments na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $285 milyon. Ang mga pledge na ito ay inaasahang lilikha ng mahigit 100,000 job opportunities at livelihood prospects para sa mga Pilipino.
Ang investment commitments ay sumasaklaw sa iba’t ibang kritikal na sektor, kabilang ang food processing industry, multi-service digital platforms, aviation, aviation maintenance support services, logistics, manufacturing, infrastructure, pati na rin ang water at wastewater treatment sa Pilipinas.
Dagdag pa rito, binanggit ni Romualdez na ang pagbisita sa Malaysia ay lalong nagpatibay sa matagal nang partnership ng Pilipinas at Malaysia habang pinalalakas ang personal na ugnayan ni Marcos sa mga pinuno ng bansa.
Binigyang-diin din niya ang mainit na ugnayan ng dalawang bansa at ang malapit na pagkakaibigan ni Marcos sa Hari ng Malaysia na si Al-Sultan Abdullah, at Prime Minister Anwar Ibrahim.
Photo credit: Facebook/pcogovph