Itinanggi ng National Security Council (NSC) na ang reorganisasyon sa ahensya ay dulot ng umano’y hidwaan sa security sector.
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya nitong Lunes, ang mga alegasyon ng kaguluhan ay tila nagmula sa mga progresibong grupo tulad ng Makabayan Bloc at Bayan Muna.
“Mukhang galing ito sa Makabayan Bloc, Bayan Muna. Alam mo naman ang ating mga kaibigan d’yan, naghahanap ng isyu kahit wala naman, para lamang pag-awayin ang mga nasa pamahalaan,” aniya sa isang panayam.
Giit ni Malaya, walang katotohanan ang ugong ugong ng hidwaan sa sektor dahil suportado umano ng lahat ng kasalukuyang opisyal ng militar ang chain of command.
Dagda pa niya, ang mga reklamo o comments sa social media, kung mayroon man ay karaniwang galing sa mga retiradong officials at hindi mga incumbent officials ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Walang incumbent na opisyal ng AFP na hindi sumusuporta sa chain of command. Sigurado ako d’yan. Kaya ang mga nagsasabi na indikasyon daw ito ng hidwaan, malabo po ‘yan at walang katotohanan,” ayon sa opisyal.
Paliwanag pa ni Malaya, posibleng ginagamit ng ilang grupo ang isyu para sa media mileage habang papalapit ang midterm elections.
“Kailangan nila ng exposure dahil malapit na ang halalan,” aniya.
Dagdag pa ni Malaya, ang reorganisasyon ng NSC ay bahagi ng karapatan ng Pangulo at normal na proseso sa anumang administrasyon.
“Ang NSC ay advisory body ng Pangulo kaya nasa kanya ang karapatang baguhin ito anumang oras,” pagtatapos niya.
Photo credit: Facebook/nsc.gov.ph