Wala nang atrasan ang muling pagbabalik-pulitika ni former Senator Bam Aquino nang tanggapin niya ang posisyon bilang chairman ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) partylist.
Sa kanyang interview sa ANC Headstart ni Karen Davila, sinabi ni Aquino na nais niyang mabigyan ng boses ang bawat Pilipino sa kanyang muling pagtakbo sa 2025 Senatorial Elections matapos magpahinga noong 2022.
“Naghahanda na kami at handa na rin ako bumalik sa larangan politika. Handa ako maging boses ng walang boses sa Senado. I’m ready and we’re preparing for it,” aniya.
Nabanggit niya na magiging parte siya ng KNP partylist nang siya ay inanyayahan na maging chairman ng nasabing partido.
Maalalang laglag sa senatorial race ang partido ni Aquino noong 2022 na “Otso Diretso” na kinabibilangan din ng mga dating kumandidato sa pagka-senador na sina Chel Diokno, Mar Roxas, at Samira Gutoc.
Ngunit paglilinaw niya, ang pagkatalo ng mga senador na “pinklawan” ay hindi magiging balakid sa kanyang pagbabalik sa Senado dahil aniya magsisilbing inspirasyon ito sa pagtakbo sa susunod na taon.
“Hindi man tayo nagwagi, pero yung paglabas ng tao, yung klarong paghangad ng tao for something better in our country nakita natin [at] naramdaman natin yan. Sayang naman kung mawawala. Now that we’re one year before 2025, and everyone’s preparing already hiniliing nila na maging chairman ng partido and I said yes.”
Nang tanungin tungkol sa kanyang pagtakbo sa panahon ng administrasyong Marcos, ipinahayag ng dating senador na nais niya isulong ang kabutihan ng bansa at ng mamamayan ng hindi tinitignan ang maaring maging alitan sa dalawang kampo.
“Basta ang intensyon ko lang ay makatulong ulit sa taong bayan. […] Beyond family names. Maraming issue yung mga kababayan natin na hindi nabibigyan ng tamang pansin” saad niya.
Matatandan na ang KNP ay ang partido na tumulak sa pagtakbo ni dating Vice President Leni Robredo sa pagka presidente noong 2022. Ngayon, ang layunin ng nasabing partido ay magbigay ng plataporma sa mga nais maging parte ng pagbabago at pagbibigay solusyon sa bansa.
“The party is ready to endorse like-minded potential candidates and form alliances with political parties with similar principles in preparation for the midterm elections in 2025,” ayon kay Aquino.