Ibinunyag ni dating senador Antonio Trillanes IV na nakahanda ang International Criminal Court (ICC) na maglabas ng mga warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa anak nitong si Vice President Sara, at iba pang mga sangkot sa “war on drugs” ng kanyang administrasyon.
Ibinahagi ni Trillanes, na nakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng ICC mula pa noong preliminary examination, ang impormasyong ito sa isang panayam sa One News. Binigyang-diin niya na nagpapatuloy ang proseso, mula sa inisyal na imbestigasyon hanggang sa pagbasura kamakailan sa apela ng dating pangulo.
“The warrant will be released late second quarter, so we can say middle of the year, maybe June or July,” aniya. So it is a waiting game at this point.”
Ayon kay Trillanes, by batch ang paglabas ng mga arrest warrant. Si dating pangulong Duterte lang mismo ang target ng unang batch, habang ang mga susunod na batch ay kasama ang iba pang principal actors. Kabilang sa mga napaulat na iniimbestigahan ng ICC kaugnay ng brutal na pagsugpo sa mga aktibidad na may kinalaman sa droga ay ang “tokhang” enforcer ni Duterte na si Senador Ronald dela Rosa, at ang dating aide na si Sen. Bong Go.
Maaaring isama rin si VP Sara sa pangalawa o kasunod na batch ng mga subject na bibigyan ng warrant of arrest ng ICC.
Photo credit: Facebook/rodyduterte, Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial