Inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang National Wages and Productivity Commission na palawigin ang minimum wage rate ng bawat manggagawa. Ipinahayag niya ang nasabing direktiba kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day nitong Mayo uno.
Ayon kay Marcos, kailangan na ng mas malawig at matibay na mga patakaran para sa mga manggagawa, kabilang na ang pagkilatis sa posibleng pagtaas ng minimum wage para sa mga Pilipino. Aniya, walang nakapilang direktiba ukol dito ngunit dapat pa rin itong tignan mabuti lalo na’t nag-iiba ang demands at tumataaas na ang inflation sa bansa.
Sa kanyang Labor Day message, idiniin ng Pangulo na kailangan ng mas matibay na patakaran para sa pag-umento ng sahod ng manggagawa.
“I call on the National Wages and Productivity Commission to review its rules to ensure that the boards can maintain a regular and predictable schedule of wage review, issuance, and effectivity to reduce uncertainty and enhance fairness for all stakeholders,” saad naman niya sa isang press briefing sa Malacañang.
Ipinatawag din ni Marcos ang Regional Tripartite Wage and Productivity Boards upang balasahin ang tuntunin nito ukol sa minimum wage ng bawat rehiyon na may konsiderasyon sa epekto ng inflation.
“[I]nitiate a timely review of the minimum wage rates in their respective regions, with due consideration to the impact of inflation, among others, within 60 days prior to the anniversary of their latest wage order,” pahayag niya.
Bukod sa mga nasabing ahensya, nais din ng Pangulo na maki-isa ang mga miyembro ng lokal na pamahalaan at ang Kongreso upang mapalawig ang pagkakaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa tulad ng enterprise-based education and training program law.
Ayon sa kanya, hindi lamang ito para matulungan ang ekonomiya ng bansa ngunit para na rin sa araw-araw na gastusin ng mga Pilipino lalo na sa panahon ngayon.
Inihayag din ni Marcos ang pagpapakita ng walang-sawang suporta sa mga manggagawa sa loob o labas man ng bansa dahil simbolo sila ng dedikasyon at dangal ng pagiging isang Pilipino.
“Umasa po kayo na ang mga manggagawang Pilipino sa loob o sa labas man ng bansa ay patuloy na aalagaan ng pamahalaan ang kanilang mga karapatan at kapakanan ay ay tiyak at tunay na tinututukan ng kinauukulan,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, nauna na ring sinabi ng Kamara na kaisa rin sila ng pangulo upang maitaguyod ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
“Your hard work, resilience, and patriotism drive the progress of our nation. Together, let us continue to uphold and protect the dignity of labor as we move forward to a brighter and more prosperous future,” saad ni House Speaker Romualdez sa kanyang Labor Day post.