Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga ahensya ng gobyerno na tanging mga empleyado ng kanilang tanggapan lamang ang dapat mag-asikaso sa pamamahagi ng ayuda at hindi mga pulitiko.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, hindi pipigilan ng Komisyon ang pagbigay ng tulong tulad ng ayuda sa mahihirap, edukasyon, scholarships, at burial services. Gayunpaman, dapat malinaw ang proseso ng distribusyon—kasama ang detalye kung paano ito ipapamahagi, sino ang mga benepisyaryo, at magkano ang pondo. Mahigpit ding ipinagbabawal ang partisipasyon ng mga pulitiko sa distribusyon, dahil trabaho ito ng mga tauhan ng mga ahensyang tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dagdag pa ni Garcia, walang dahilan para isama ang mga pulitiko dahil responsibilidad ito ng gobyerno at dapat itong iwasan upang hindi magmukhang politikal ang layunin ng tulong. Nilinaw rin niya na bagama’t may umiiral na election ban para sa mga pampublikong proyekto at serbisyo, maaari pa rin itong ipagpatuloy basta may malinaw na exemption mula sa Comelec.
“I hope everyone understands, it is very difficult to stop public works. If the road is muddy when it rains or dusty when it’s sunny, why should we stop the project? So, the exemptions are allowed, which in our opinion is not politics but a project that is included in the budget and has been planned for a long time.” paliwanag ni Garcia.
Samantala, pinaalalahanan din ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ang publiko tungkol sa election gun ban na magsisimula mula Enero 12 hanggang Hunyo 11.
Ayon kay Laudiangco, “To those that have licenses to own firearms and permits to carry them outside of (their) residence, if you don’t have a Certificate of Authority from the Comelec, you are still violating the law.”
Sinumang lalabag sa gun ban ay maaaring maparusahan ng pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, madiskuwalipika sa anumang pampublikong posisyon, at mawalan ng karapatang bumoto.
Photo credit: Philippine Information Agency