Naghain ng resolusyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senador Pia Cayetano upang imbestigahan ang isang “road rage incident” sa Quezon City noong Agosto 27, 2023 na nag-viral sa social media.
Ang Resolusyon 763 ay naglalayon ng kaligtasan at kaayusan ng publiko. Binigyang-diin ng dalawang senador na ang isyu kaugnay sa road rage na ito ay isang insidenteng hindi dapat basta ipagsawalang-bahala.
Ayon kay Cayetano, “This is a serious case, involving public order and safety, which cannot simply be settled amicably and swept under the rug.”
Sa kanilang resolusyon, pinaalala nina Zubiri at Cayetano ang kahalagahan ng konseptong “road sharing.” Anila, tila hindi na ito nabibigyan ng sapat na pansin ng mga Pilipino. Para sa kanila, mahalagang maintindihan ang konseptong ito, dahil ito ay nagpapaalala na ang bawat isa ay may karapatang gumamit ng pampublikong kalsada.
Iginiit din ng mga mambabatas sa resolusyon na isa sa agenda ng Pilipinas ay itaguyod at tuparin ang Sustainable Development Goal 11, na naglalayon ng isang ligtas at progresibong komunidad, kaya marapat na protektahan ang mga siklista “it is vital that we protect our cyclists traversing in traffic through the provision of physical barriers to ensure their safety…” anila.
Gayundin, nagpahayag si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng kanyang pagkadismaya sa nangyaring isyu. Pinasaringan din niya ang Quezon City Police Department dahil sa pagbibigay ng plataporma sa dating pulis na si Wildfredo Gonzales na hindi man lang humingi ng paumanhin sa siklista. Sa kabilang banda, umulan ng mga batikos at negatibong komento ang insidente sa mga social media platform patungkol sa dating pulis.
Photo credit: Facebook/senateph