Nagbangayan sina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros sa isang tensyonadong Senate finance committee hearing para sa panukalang P2.037-bilyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Nakasentro ang sagutan nila sa P10-milyong alokasyon para sa isang librong pambata na akda ng bise, na pinamagatang “Isang Kaibigan” o “A Friend.”
Ang budget deliberation, na nagsimula nang mahinahon, ay mabilis na tumaas ang tensyon nang kuwestiyunin ng mambabatas ang necessity ng mga programa ng OVP na aniya ay katulad lang naman ng programa ng ibang ahensya ng gobyerno. Kabilang dito ang tulong medikal at burial, disaster operations, at livelihood support, na ikinatuwiran ni Hontiveros na pinangangasiwaan na ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at Department of Labor and Employment.
Iminungkahi ni Hontiveros na italaga na lang ang badyet ng OVP para sa mga programang ito sa mga kaugnay na line agency. Gayunpaman, ipinagtanggol ni Duterte ang mga inisyatiba at sinabing ang mga ito ay base sa mga kahilingan ng publiko mula sa kanyang opisina.
Uminit pa ang sagutan nila nang magtanong ang senador tungkol sa “Pagbabago Campaign,” na kinabibilangan ng pamamahagi ng isang milyong bag sa mga mag-aaral, bawat isa ay naglalaman ng librong pambata na inakda ng bise. Tinanong niya kung tungkol saan ang libro, magkano ito, at ilan ang ipapamahagi.
Sa halip na direktang sumagot, inakusahan ni Duterte si Hontiveros ng pamumulitika sa budget hearing. “Another example of politicizing the budget of the government… Her problem is that my name is on that book and that book will be distributed to children whose parents are voters. And my name will be in those places where this book will be distributed,” aniya.
“Hindi ko maintindihan ang ugali ng ating resource person. It is a simple question: paulit-ulit na ‘this is politicizing.’ Ang VP ang nagbanggit ng salitang ‘boboto’, wala akong sinabing ‘boboto,’” sagot naman ng mambabatas.
Lumala ang komprontasyon nang ilabas ng bise ang mga nakaraang pahayag ni Hontiveros tungkol sa kanya at sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte. “Noong nanalo siya…siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?” sinabi ni Duterte, na tinutukoy ang pagpuna ng senador sa kanyang pamilya.
Sa kabila ng mainit na palitan, ang badyet ng OVP ay naisumite rin kalaunan sa plenaryo.
Photo credit: Facebook/senateph