Saturday, November 23, 2024

TARGET NI SPEAKER BINASAG! P40/Kilo Na Bigas, Malabong Mangyari – FFF

381

TARGET NI SPEAKER BINASAG! P40/Kilo Na Bigas, Malabong Mangyari – FFF

381

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Tila binasag ni Federation of Free Farmers (FFF) national manager Raul Montemayor ang target ng Kamara na mapababa ang presyo ng bigas kada kilo sa P30 ngayong darating na Hunyo matapos niyang sabihin na malabong maibalik kahit sa P40 per kilo ang presyuhan nito.

Ayon sa kanyang pahayag sa Super Radyo, sinabi ni Montemayor na ang layunin ng Rice Tariffication Law (RTL) na mas luwagan ang pagpapasok ng imported na bigas at pagbebenta ng National Food Authority rice ay hindi ang angkop na solusyon sa tumataas na presyo ng bigas.

“Ito kasing nag-design ng Rice Tariffication Law akala nila na basta buksan mo yung merkado sa importation, ayos na ang lahat.” pahayag ni Montemayor.

Matatandaang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na iniutos na n’ya sa Kamara ang agarang pag-amyenda ng RTL na ang layunin ay pababain ang presyo ng bigas mula sa P50 hanggang P30 na lamang kada kilo.

Ayon pa kay Montemayor, ang imported na bigas ay magiging depende pa rin sa presyo nito sa ibang bansa dahil maaaring tumaas din ang value nito dahil naapektuhan na rin ng El Niño ang ibang bansa tulad ng Indonesia.

Mariing sinabi ni Montemayor na ang dapat gawin ukol sa isyu ng presyo ng bigas ay palakasin ang kapangyarihan ng gobyerno upang magkaroon ng patas na supply na manggagaling sa ibang bansa at sa ating magsasaka.

Sa kanyang nakikita, maaring mga pribadong sektor lamang ang makinabang sa patuloy na pagpapapasok sa imported na bigas sa bansa at muling malulugi ang mga magsasaka.

“Pagpasok ng pinaka murang imported, babagsak ang presyo ng palay. Mawawalan ng gana ang ating magsasaka. Sa susunod, hindi na sila magtatanim [at] lalo na tayong aasa sa import.” aniya.

Ayon pa kay Montemayor, ayaw nila na maulit ang nangyari noong mga nakaraang taon kung saan naging sobra na ang supply ng naangkat na bigas galing ibang bansa kaysa sa local rice.

“At the time, ang kawawa ay ang mga magsasaka dahil sobra-sobra naman ang pumasok na imported [rice] na napaka-mura, bagsak naman ang presyo ng palay pero ang presyo ng bigas ganoon pa rin. Hindi masyadong bumaba,” saad niya.

Sabi pa ni Montemayor, dapat ay umangkat lamang ng tutugon sa kakulangan ng bansa dahil reserba lamang ang kailangan ng bansa habang naghihintay ng ani galing sa lokal na mga magsasaka.

Dahil dito, hangad niya na tugunan ng bansa ang isyu na “hindi kawawa ang magsasaka at hindi rin kawawa ang mamimili” para na rin sa ikauunlad ng bansa.

Photo credit: Philippine News Agency official website

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila