Naglabas ng administrative order (AO) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para gumawa ng special task force na magpapanatili ng kapayapaan at labanan ang banta sa seguridad sa Negros Island.
“There is a need to create a Special Task Force to prevent the spread and escalation of violence elsewhere in the Philippines, and to preserve peace and order in Negros Island, with due regard to the fundamental civil and political rights of the people,” ayon sa AO 6.
Sa ilalim ng AO No. 6, magkakaroon ng kapangyarihan ang task force na makipag-ugnayan sa mga sangkot na ahensya ng gobyerno para sa “whole-of-government approach” sa pag-iwas, imbestigasyon, prosecution, at pagparusa sa karahasan sa Negros Island.
Inilabas ang AO kasunod ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa Pamplona, Negros Oriental noong Marso 4. Mayroon ding 8 sibilyan na namatay at 17 na nasugatan.
“Similar violent incidents have occurred in the past, and at present, threats to safety and security occur across different sectors and affect various stakeholders in Negros Island,” nakasaad sa AO.
Ang task force na binansagang “DEGAMO” ay pamumunuan ng Department of Interior and Local Government secretary at secretary ng Department of Justice at Department of National Defense ang magsisilbing co-chair.
Kasama sa task force commanders ang chief ng Philippine National Police, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines at ang director ng National Bureau of Investigation.
Sa ilalim ng AO 6, ang Department of Social Welfare and Development ay inatasan na magbigay ng emergency relief assistance sa pamilya ng mga biktima habang ang Department of Health ay magbibigay ng psychological rehabilitation sa mga apektado.
Ang Presidential Assistant for the Visayas (naman ay naatasan na makipag-ugnayan sa task force para sa suporta ng lahat ng stakeholders.
Photo credit: Facebook/pcogovph