Diretsahang sinabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na dapat mas importanteng isyu ang pagtuunan ng pansin ni Pangulong Bongbong Marcos kaysa paniwalaan ang di umano’y destabilization plot laban sa kanya.
Giit pa ni Digong sa kanyang press conference sa Tacloban City, dapat pagbutihin ng pangulo ang kanyang trabaho dahil maraming Pilipino ang umaasa sa kanyang maresolba ang mga problema ng bansa.
Aniya, dapat ipakita ni Marcos na napupunta sa tama ang boto at pera ng taumbayan sa kanya.
“We are paying you. Magtrabaho ka. Do not worry. Nobody is interested na tanggalin ka. It’s a waste of time.”
Dagdag pa ni Digong, hindi dapat siya naka-focus sa mga naninira o sa kanyang mga posibleng makalaban bilang presidente dahil ang pagiging pangulo ay para sa pagsisilbi sa bayan at hindi para pabanguhin ang kanyang pangalan.
“Babalik akong presidente, so what? Bakit? Kung ang anak kong vice president, maging president, would you think na this country would be better than what we have now?”
Patutsada ni Digong, mas pagbutihin ni Marcos ang pagiging “ama ng bayan.”
“Gusto ko siyang magtrabaho kasi binoto natin siya. Magtrabaho ka diyan! Gawin mo para sa bayan. Ngayon, pagkatapos ng six year term mo then makita mo na magsalita na ang tao and we will give you the verdict whether or not you were worth the vote,” aniya.
Maalalang nagkaroon ng alitan ang dalawang kampo matapos umano ipatigil ang isa sa mga prayer rally na pinangunahan ni Digong kamakailan lamang sa Tacloban City?. Matapos nito, naging mainit na ang usapan na hindi maganda ang naging relasyon ng mga Duterte at Marcos na mas pinalala ng umano’y pagiging magkaribal ng dalawang kampo sa susunod na halalan.