Mas maraming Pilipino ang sumusuporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at tinatanggihan ang dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa malalim nitong ugnayan sa China, ayon kay House Deputy Majority Leader, La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V.
Sa isang pahayag nitong Huwebes, binigyang-diin ni Ortega ang resulta ng pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa noong Enero 25-31. Lumabas sa survey na 36% ng mga Pilipino ang sumusuporta kay Marcos, samantalang 18% lamang ang pumapanig kay Duterte. Samantala, 26% ang hindi sumusuporta sa alinman, habang 8% naman ang kumakampi sa oposisyon.
Ayon kay Ortega, malinaw na ipinakita ng survey na hindi na lang ito laban ng personalidad sa politika—ito ay laban ng Team Pilipinas kontra Team China.
“This survey confirms that Filipinos are firmly standing with Team Pilipinas, rejecting leaders who have compromised the nation for China – whether by surrendering our rights in the West Philippine Sea or enabling the unchecked rise of Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) controlled by Chinese interests,” pahayag ni Ortega.
Dagdag pa niya, nais ng taumbayan ang mga lider na inuuna ang interes ng bansa kaysa sa panlabas na impluwensiya. Aniya, aktibong ipinagtatanggol ni Marcos ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, nilalabanan ang ilegal na POGO operations, at pinipigilan ang lumalawak na impluwensiya ng China sa bansa.
“The people have spoken. The Duterte era is over. Team Pilipinas is moving forward,” ani Ortega.
Photo credit: Facebook/officialpdplabanph, Facebook/HouseofRepsPH