Tumestigo sa harap ng House Committee on Dangerous Drugs ang dismissed police colonel na si Eduardo Acierto at sinabing ipinapapatay siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ako din po ang parehong police colonel Eduardo Acierto na matagal nang ipinapahanap at ipinapapatay ng dating pangulong Duterte sa militar at sa kapwa ko pulis.”
Ang mga pahayag ni Acierto ay sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng komite sa multi-billion peso shabu seizures sa Pampanga at Subic Bay.
Ang livestreamed hearing ay nakatuon sa pagkakalkal ng koneksyon sa pagitan ni Acierto at ng negosyanteng si Michael Yang, isang dating economic adviser ni Duterte na tinukoy na person of interest sa drug haul case. Iginiit ni Acierto na ginamit ni Yang ang kanyang impluwensya kay Duterte para ipapatay siya matapos umanong magkaroon ng ebidensya si Acierto na nag-uugnay kay Yang sa mga drug trafficking activity.
“Pinapapatay po ako ni Duterte dahil natalisod ko at pinaimbestigahan ko sila Michael Yang at Allan Lim na malapit nilang kaibigan ni Sen. Bong Go.”
Pinahintulutan ni Committee chairperson, Representative Robert Ace Barbers, ang testimonya ni Acierto upang masuri kung ito ay nauugnay sa kaso ni Michael Yang. Gayunpaman, nilinaw din ni Barbers na hindi gagawa ng anumang hatol ang komite sa mga pahayag ni Acierto nang walang karagdagang imbestigasyon.
Samantala, dahil sa na paulit-ulit na hindi pagdalo sa mga pagdinig ng komite, sinampahan na ng contempt si Yang at iniutos na makulong sa Bicutan jail.
Photo credit: Presidential Communications Office website