Kahit na pinagbintangan ni Senador Imee Marcos si House Speaker Martin Romualdez na siyang utak sa “People’s Initiative”, ipinagtanggol pa rin nito si Pangulong Bongbong Marcos kontra sa sunod-sunod na paninira ng pamilya Duterte ng Davao City.
Hinamon niya si Davao City Mayor Sebastian Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilantad ang anumang ebidensya at suporta sa kanilang mga alegasyon laban sa pangulo.
Ayon kay Romualdez, ang alegasyon ng mag-amang Duterte ay “budol-budol” na mga kuwento mula sa Davao, at sinabihan sila na huwag nang magbigay ng mga bintang na hindi nila mapapatunayan.
“So unless you have proof na ‘yung mga alegasyon ninyo na kung bakit nananawagan dyan na sa ating mahal na Presidente Ferdinand R. Marcos na bumaba sa pwesto sana mag isip-isip muna kayo, mag-isip muna kayo at ilabas ‘yung mga pruweba. Kasi alam natin hindi totoo ang mga sinasabi ninyo,” aniya.
“Sa pamilyang Duterte, siguro konting galang naman sa ating mahal na presidente tsaka sa pamilya n’ya. Noong panahon ng rehimen n’yo, iginalang naman kayo. Masyadong maaga naman ninyo gustong ipabagsak ang rehimen ng President Ferdinand R. Marcos Jr., very popular and he was elected with a bigger mandate than the former president. Kaya’t igalang naman natin ‘yan. ‘Yan po ang mandato ng taumbayan ng Pilipinas,” dagdag ng mambabatas.
Matatandaang pinagbibitiw ng batang Durterte si Pangulong Marcos nitong linggo sa prayer rally na ginanap sa Davao City habang ang ama naman nitong si dating Pangulong Duterte ay nagsabing nasa watch list ng Philippine Drug Enforcement Agency ang kasalukuyang pangulo dahil sa paggamit ng iligal na droga.
Kahanga-hanga namang ipinagtanggol ni Romualdez si Pangulong Marcos kahit na siya ang itinuturong ulo ng People’s Initiative ni Sen. Imee na siyang kapatid ng pangulo. Sa ilalim kasi ng PI, boboto bilang pantay na sangay ang Kongreso at Senado na siyang nagpainit sa iringan ngayon ng mga kongresista at mga senador.
“Definitely, yung opisina niya yung nag-alok ng ₱20 million kada distrito, definitely nanggaling sa kanila yung very attenuated timeline na July 9 tapos na ang lahat,” ayon kay Sen. Imee.
“So definitely, that derived from his office with very clear numbers identifying the staff members and attorneys involved.”
Photo credit: House of Representatives Official Website