Hinimok ng mga mambabatas ang Department of Justice (DOJ) na agad maghain ng kasong murder laban sa mga suspek sa pagpaslang kay retired police general Wesley Barayuga, kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng joint committee sa extrajudicial killings.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers, chairperson ng House Quad Committee, matatagalan bago pa makapaglabas ng report ang committee. Aniya, hindi kailangan ng hinytayin ng DOJ ang kanilang report na kung saan irerekomenda din nila ang pagsampa ng kaso laban kina retired police chief Royina Garma at National Police Commissioner Edilberto Leonardo.
Si Garma, na dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at si Leonardo ay pinaniniwalaang may kinalaman sa pagpatay kay Barayuga noong 2020. Ito ay matapos umamin ang iba pang mga sangkot sa pagkakapatay kay Barayuga.
Hinimok ni Barbers na agad kunin ng DOJ ang testimonya nina Santie Mendoza, dating police lieutenant colonel, at Nelson Mariano. Si Mariano, na informant ni Mendoza sa mga drug personalities, ay nag confirm sa isang sworn statement sa ikapitong public hearing ng House quadcom, na tinulungan niya si Mendoza na makahanap ng hitman.
“The exchange of messages via Viber and the supposed photo of Barayuga taken by Garma during their PCSO meeting will strengthen the case against Garma and Leonardo,” ani Barbers.
Nananawagan din ang mga mambabatas na ipasumite ang mga cellphone nina Mendoza at Mariano para makuha ang kanilang Viber exchange, na umano’y naglalaman ng impormasyon mula sa isang tauhan ni Garma na may alyas na “Toks.”
Sinabi pareho ni Mendoza at Mariano na pinadala sa Viber ni “Toks” ang information ukol sa location at description ni Barayuga. Sabi pa ni Mendoza na napilitan lang siyang sundin ang utos na patayin si Barayuga dahil seniors niya sa Philippine National Police Academy sina Garma at Leonardo at malapit din sila kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Pinaniniwalaang ang motibo sa pagpaslang kay Barayuga ay dahil hindi nito sinang-ayunan ang plano ni Garma na palawakin ang operasyon ng small-town lottery sa PCSO. Nagsilbing board secretary si Barayuga ng PCSO noong 2019, parehong taon na naging general manager naman si Garma.
Ayon kay Mendoza, inugnay ni Garma si Barayuga sa ilegal na droga upang gawing lehitimo ang pagpatay.
Ayon kay Rep. Romeo Acop, “Ginawa lang nilang mukhang sangkot si Barayuga sa droga, pero siya’y naging biktima ng war on drugs.”
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH