Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang desisyon na nagdidiskwalipika kay dating congressman Edgar Erice sa kanyang kandidatura bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Caloocan City sa darating na Mayo 2025 elections.
Sa 30-pahinang desisyon, binigyang-diin ng Comelec na ang patuloy na pagbatikos ni Erice sa Automated Election System (AES) ay nagdulot ng kawalan ng tiwala ng publiko sa sistema ng halalan.
“The integrity of elections is the cornerstone of democracy and any act that undermines this foundation cannot be tolerated. Respondent’s disqualification is not merely justified but necessary to protect the sanctity of our electoral process. This Commission must act decisively to ensure that the people’s trust in their democratic institutions remains intact,” saad ng en banc sa kanilang ruling.
Ang reklamo laban kay Erice ay isinampa ni Raymond Salipot, na inakusahan ang dating kongresista ng pagpapakalat ng maling impormasyon at pananabotahe sa proseso ng eleksyon, na labag sa Omnibus Election Code.
Ayon pa sa Comelec, ang mga aksyon ni Erice ay “hindi karapat-dapat para sa isang kandidatong naghahangad ng pampublikong posisyon.”
Binigyang-diin ng komisyon ang kanilang tungkulin na wakasan ang mga walang basehan at mapanirang akusasyon laban sa integridad ng eleksyon. Ang diskwalipikasyon ni Erice, anila, ay isang mahalagang hakbang upang protektahan ang sanctity ng electoral process.
Photo credit: Facebook/egayericeofficial