Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ni spokesman Mico Clavano na nasa lookout bulletin order (LBO) ng gobyerno ang isang dosenang indibidwal sa pangunguna ni dating presidential spokesperson na si Harry Roque.
“We can confirm that an Immigration Lookout Bulletin Order has been issued by the Department of Justice to the Bureau of Immigration (BI). May 12 po na pangalan doon Ibig sabihin po ‘yung 12 na individuals na ‘yun ay mamo-monitor ‘yung outbound and inbound travel ho nila,” aniya.
Dagdag pa ni Clavano, ang LBO ay ipinapataw kapag ang isang indibidwal na sumasailalim sa imbestigasyon ay itinuturing na isang panganib sa paglipad, at ang mga awtoridad ay kailangang bantayan ang kanyang kinaroroonan.
“Hindi ito nakaka-restrict sa right o karapatan mag-travel pero patitimbrehan lang po ang Immigration at ang DOJ kung lumabas o pumasok sila sa bansa,” aniya.
Ibinaba ang nasabing memorandum ni Justice Secretary Jesus Remulla para kay Immigration Commissioner Norman G. Tansingco. Nakasaad dito na “a precautionary hold departure order will likewise be filed at the Office of the Executive Judge pending preliminary investigation.”
Paliwanag ni Clavano, ang LBO ay inihain laban kay Roque at sa iba pang mga indibidwal matapos makalabas ng bansa ang nagngangalang Sandra Li Ong, na may kinalaman umano sa Philippine Overseas Gaming Operators (POGO) syndicates.
Matatandaang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, Bureau of Immigration, Criminal Investigation and Detection Group at ng Philippine National Police ang hinihinalang bahay ni Roque sa Pinewoods Golf and Country Club sa Tuba, Benguet.
Nadawit din ang asawa niyang si Mylah sa umano’y isyu ng pagkakanlong sa dalawang pinaghahanap na puganteng Chinese sa kanilang Benguet haybol na hinihinalang konektado sa operasyon ng POGO sa bansa.
Bukod kina Roque at Ong, nasa LBO din sina Xiang Tan, Jing Gu, Stephanie B. Mascareñas, Michael Bryce B. Mascareñas, Zhang Jie, Duanren Wu, Raymund Calleon G. Co, Randel Calleon G. Co, Dennis L. Cunanan, at Han Gao.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Roque ang planong pagtakas sa bansa, at sinigurong haharapin n’ya ang anumang kaso na umano’y nag-uugnay sa kanya at sa mga POGO.
Photo credit: Facebook/senateph