Ipinakita ni Senador Lito Lapid ang kanyang malasakit sa mga apektadong komunidad ng mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga matapos ang pagsalanta ng Bagyong Egay at pag-ulan na nagdulot ng matinding baha.
Noong Huwebes, Agosto 10, nagkasa ng relief operation ang kanyang mga tauhan sa Brgy. San Jose, Hagonoy, Bulacan, at sa mga bayan ng San Simon at Sasmuan, Pampanga.
Libong pamilya ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng mga food packs na naglalaman ng bigas, noodles, kape, at corned beef. Nagpapasalamat naman ang mga nakatanggap ng food packs mula kay Lapid.
Ayon sa pinakahuling datos mula sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council-3 (RDRRMC-3), aabot sa 341,242 pamilya o 1,195,866 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Egay at pinalakas na habagat sa Region 3 o Central Luzon, kung saan kasama ang mga probinsya ng Bulacan at Pampanga.
Mula sa kabuuang bilang, may 8,862 pamilya o 32,404 indibidwal pa rin na nananatili sa iba’t ibang evacuation centers sa rehiyon.Labing-walong bahay ang lubos na nasira habang 334 ang bahagyang binuwag.
Sampu sa mga kalsada sa rehiyon ang hindi pa rin maaring daanan ng mga light vehicles, kabilang ang walong kalsada sa Pampanga, tatlo sa Bulacan, at isa naman sa Zambales at Tarlac.
Ang halaga naman ng pinsalang idinulot sa agrikultura, pangingisda, at aquatic resources sa rehiyon at tinatayang umabot sa P596 milyon.
Ayon naman sa consolidated Calamity Damaged Infrastructure Report ng Department of Public Works and Highways – Region 3 Maintenance Division, ang halaga ng pinsala sa imprastraktura ay tinatayang umabot sa P1.9 bilyon.
Photo credit: Facebook/SupremoSenLapid