Todo tanggi si Senador Bong Go na may “reward system” sa drug war ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ngunit nilinaw rin niyang wala siyang kinalaman sa kontrobersyal na kampanya kontra droga.
“Walang reward system na iniimplementa noon kapalit ang buhay ng sinuman,” aniya sa isang pahayag.
Ito ay matapos akusahan ni retired police colonel Royina Garma si Duterte at Go na nasa likod umano ng pagbibigay ng cash rewards sa mga pulis na pumapatay ng drug suspects. Sa affidavit na isinumite ni Garma sa House of Representatives quad committee, sinabi ni Garma na ang dating pangulo mismo ang nag-utos sa kanya na humanap ng Philippine National Police officer na magsasagawa ng “Davao Model”—isang sistema na may pabuya para sa pagpatay sa mga drug suspects.
Ayon kay Go, bilang special assistant to the president mula 2016 hanggang 2018, wala siyang direktang papel sa operasyon ng drug war.
“Walang kinalaman ang opisina ko sa operasyon ng kapulisan, at hindi rin ako humawak ng pondo ng Office of the President,” paliwanag niya.
Itinanggi rin ng mambabatas na totoo ang mga alegasyon ni Garma, at iginiit niyang “malisyoso” at puno ng politika ang imbestigasyon. “Nakakalungkot na hinahaluan ng pulitika ang mga imbestigasyon ngayon,” aniya, sabay hiling ng patas na imbestigasyon mula sa Senado.
Samantala, sinabi ni dating senador Leila de Lima na dapat ding isama si Go sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) dahil mahalaga raw ang papel na ginampanan niya sa drug war.
“The participation of Sen. Bong Go is quite essential, quite material, quite crucial also, so he must be investigated, exactly his role,” ayon kay de Lima sa isang panayam sa ANC Headstart.
Photo credit: Facebook/senateph