Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pribadong sektor na magbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Senior High School (SHS) graduates ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track.
Ang Senate Committee on Basic Education na pinamumunuan niya ay nagsagawa ng pagdinig hinggil sa Senate Bill No. 2022, o ang “Batang Magaling” Act, na naglalayong tugunan ang mismatch sa pagitan ng skills ng K to 12 graduates at ang mga hinihingi ng labor market. Sa pagdinig, tinanong ni Gatchalian ang opinyon ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) kung kumukuha ang mga miyembro nila ng SHS graduates ng TVL track.Â
Binigyang-diin niya na ang SHS graduates ng TVL track ay sumasailalim sa pagsasanay para sa mga vocational jobs at work immersion program na nagbibigay ng pagkakataon sa kanilang hanay na maging pamilyar sa trabaho at mailapat ang kanilang mga kakayahan sa iba’t ibang work environments.
Amindo naman si ECOP Legal Services Manager Robert Maronilla na patuloy na mas pinapaboran ng maraming kumpanya ang mga nagtapos sa kolehiyo kaysa sa mga nagtapos sa SHS maliban na lang kung sila ay nakakuha ng sertipikasyon ng isang specialization. Iminungkahi din niya na ang mga mag-aaral ng SHS na kumukuha ng TVL track ay dapat na mas nakatuon sa mga “hard-to-fill-in” na mga trabaho, tulad ng mga nasa sektor ng agrikultura at automotive.
Upang mahikayat ang kooperasyon ng industry players, layong isama ng Batang Magaling Act ang work immersion program sa Section 34 ng Republic Act No. 11534 o mas kilala bilang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE), na maaaring magpalakas ng employability ng mga graduate ng SHS. Ang nasabing probisyon sa CREATE ay nagpapahintulot ng karagdagang bawas sa taxable income ng kalahati ng halaga ng gastos sa labor training expenses na natatamo para sa skills development ng mga naka-enroll sa public senior high schools, public higher education institutions o public technical and vocational institutions.
“Ang intensyon ay magbigay ng mga insentibo bilang isang paraan ng deductible. Kaya, kung tatanggapin ng isang kumpanya ang mga senior high school students bilang bahagi ng kanilang work immersion program, ang work immersion program na iyon ay maaaring gamitin bilang deductible,” sabi ni Gatchalian.
“Ang probisyon ng batas ay naglalayong hikayatin ang mga pribadong korporasyon na sanayin ang mga mag-aaral sa senior high school dahil maaari nilang gamitin ang gastos ng pagsasanay bilang isang deductible,” dagdag niya.
Tinanong din ng mambabatas ang Bureau of Internal Revenue kung nahihirapan ang mga pribadong kompanya na sumunod sa requirements na nakasaad sa naturang probisyon ng batas. “Sa aking mga naging konsultasyon, lumalabas na mahirap kumbinsihin ang mga kumpanya na kumuha ng senior high school graduates. Dahil dyan ay nais nating maintindihan nang husto ang requirements. Kung hindi rin naman nasusunod ang requirements, wala ring silbi,” pagtatapos niya.