Sintomas umano ng “trabahong tamad” ang hindi pagsama sa Mayon Volcano at iba pang tourist attractions na tunay na maiuugnay sa Philippine Brand sa inilabas na promotional video ng Department of Tourism (DOT) ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda.
Giit niya, ang isyu kaugnay sa contractor sa paggamit nito ng stock footage sa promotional video ay nagpapatunay lamang ng kaniyang punto kamakailan hinggil sa DOT na humingi ng tawad sa Albay o sesantihin ang consultant.
Dahil hindi nga hihingi ng tawad ang DOT, sa kadahilanang ang promotional video ay unang parte pa lamang at hindi pa tapos, malinaw ang nakikitang susunod na hakbang ayon kay Salceda.
“You don’t set the mood with plagiarism” naman ang sagot ng Albay representative sa pahayag ng contractor na “mood video” pa lamang umano ang unang nailabas na promotional video.
At para sa branding, ang slogan ay isang creative decision, aniya, na mainam na ipabahala sa mga eksperto at ang kapakinabangan nito ay mapapatunayan sa mga bilang ng turista.
“One lesson here is not to dismiss legitimate concerns as ‘political soundbites’ but to listen, consult, and discuss,” dagdag pa ni Salceda.
Base pa sa kaniyang pahayag, ang branding ng bansa ay sumasalamin sa pagkakakilanlan at mga mithiin bilang mga mamamayan, giit pa niya ano ba naman daw ang mali sa kagustuhang mairepresenta ng maayos sa usaping ito.
Hiling ng mambabatas na maituwid na ang mga isyung ito bago ang budget hearings, dahil kung hindi ay may karapatan siyang maghain ng mga katanungan.