Opisyal na inanunsyo ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde ng Caloocan City sa darating na 2025 elections.
“Today, I formally announce my candidacy for Mayor of Caloocan City in the 2025 elections. Parating na po ang pagbabago…,” aniya sa social media.
Binanggit din ni Trillanes na bumibisita siya sa iba’t ibang lugar sa Caloocan nitong mga nakaraang buwan at nakikinig sa mga kahilingan ng mamamayan para sa pagbabago.
Binigyang-diin ng dating senador ang pangangailangan para sa makabuluhang mga reporma sa lungsod, at idiniin na ang kanyang plataporma ay tutugon sa mga alalahanin ng mga residente ng Caloocan. Sinabi ni Trillanes na plano niyang ilatag ang kanyang buong agenda sa mga darating na buwan, na nagdedetalye kung paano siya at ang kanyang team ay magtatrabaho upang mapabuti ang lungsod at iangat ang mga mamamayan nito.
Si Trillanes, na nagsilbi ng dalawang magkasunod na termino bilang senador mula 2007 hanggang 2019, ay sumasabak ngayon sa karera para sa lokal na posisyon matapos ang hindi matagumpay na pagtatangkang bumalik sa Senado noong 2022 elections. Hahamunin ng kanyang kandidatura sa pagka-alkalde sa Caloocan ang political dominance ng pamilyang Malapitan, na humawak sa pinakamataas na posisyon sa lungsod mula noong 2013. Si incumbent Mayor Dale “Along” Malapitan ang humalili sa kanyang ama, si Oscar, noong 2022.
Photo credit: Facebook/sonnytrillanes.official