Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Raffy Tulfo sa hindi pa nababayarang back wages at separation pay ng libu-libong overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) matapos magdeklara ng bankruptcy ang kanilang mga kumpanya dahil sa Covid-19 pandemic.
Naghain si Tulfo na chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers ng Senate Resolution (SR) No. 505 na naglalayong imbestigahan ang naiulat na marami diumano sa mga dating Saudi OFW ang bigo na irehistro ang kanilang mga claims para sa back pay kahit pa nauna nang nangako ang gobyerno ng Saudi na aayusin ang mga claims.
“There have been several reports of former Saudi-based OFWs claiming back wages and separation pay with utterly unsuccessful attempts to register their claims,” nakasaad sa resolusyon.
Noong Nobyembre 18, 2022, inanunsyo ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers, na ang KSA government ay nangakong bayaran ang back wages at separation pay ng humigit-kumulang 10,000 OFW na hindi nabayaran ang mga suweldo matapos nabangkarote ang mga Saudi construction company na pinagtatrabahuhan nila.
Kabilang sa mga kompanyang ito ang Saudi OGer, MMG, the Bin Laden group at iba pang construction firms na hindi pa nababayaran ang mga manggagawang Pilipino.
Ang nasabing anunsyo ay nangyari matapos makipagpulong si Pangulong Bongbong Marcos Jr. kay Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa APEC Summit sa Bangkok kung saan pumayag ang huli na sagutin ang P1-bilyong wage claim ng mga OFW.
Ayon kay OFW-Family Club President Roy Señeres Jr., humigit-kumulang 200 OFW pa lamang ang nakapag-parehistro ayon sa hinihingi ng embahada ng KSA. Ang panahon ng pagpaparehistro na itinakda ng Saudi embassy ay nauna nang itinakda na hanggang Enero 31, 2023 lamang.
Napabalita na ang proseso ng pagrerehistro ng mga claims ay nakakapagod at magulo, lalo na para sa ilang claimants na digitally challenged at ibang nawalan ng mahahalagang dokumentong kailangan.
Sa paghahain ng resolusyon, sinabi ni Tulfo mula sa Isabela at Davao na kinakailangang magsagawa ng inquiry in aid of legislation para matukoy ang lawak ng problema at makahanap ng mga hakbang upang solusyunan ang sitwasyon.