Tila binabangga ni Senador Raffy Tulfo si Pangulong Bongbong Marcos pagdating sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program matapos niyang manawagan para sa agarang suspensyon nito.
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Services, inihayag ni Tulfo ang kanyang intensyon na maghain ng Senate Resolution na naglalayong ihinto ang programa dahil sa maraming mga depekto at negatibong epekto nito sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa mambabatas, matapos niyang makipag-usap sa iba’t ibang miyembro ng transport groups, lumitaw na “ang PUV modernization program ay hindi pinagisipan, hindi pinagaralan hindi pinagplanuhan at minadali.”
“Ang resulta, marami ang mga maliliit nating kababayan ang nadedehado, partikular na ang mga tsuper ng jeepney,” dagdag niya.
Nagpahayag pa ng pagkabahala si Tulfo sa mga alegasyon ng katiwalian sa programa – isang sentimyento na idiniin nina Majority Floor Leader Francis Tolentino at Senator JV Ejercito. Nauna nang iminungkahi ni Senate President Francis Escudero ang pagsuspinde sa programa matapos maobserbahan ang iba’t ibang problema nito.
Matatandaang suportado ni Marcos ang programa upang matugunan ang mga lumalalang problema sa transportasyon sa bansa.
Photo credit: Development Bank of the Philippines Official Website