Tila naghugas-kamay si Makati City Mayor Abby Binay sa kontrobersyal na “Gil Tulog” marketing stunt ng isang supplement brand matapos sabihin na hindi siya nasabihan tungkol dito.
Sa isang pahayag, sinabi ni Binay na hindi umabot sa kanyang opisina ang proposal na palitan ng “Gil Tulog” ang mga street sign ng Gil Puyat Avenue. Ayon sa mayor, kung nakarating ito sa kanya ay kaagad niya itong ibabasura.
“It is unfortunate that the request for a permit for the so-called advertising campaign to change the street signs of Gil Puyat Avenue did not reach my office. Kung dumaan sa akin yan, rejected yan agad.”
Sinabi rin ni Binay na ang ganitong mga proposal ay kailangang dumaan sa masusing pagsusuri at konsultasyon. Dagdag pa niya, kawalan ng galang ang basta-bastang pagpapalit ng street sign dahil nabastos umano ang alaala ni dating Senate President Gil Puyat, na nagsilbi bilang senador mula 1951 hanggang 1973 at naging Senate president ng anim na taon, at noong 1980.
Dahil dito, kaagad na humingi ang mayor ng paumanhin sa publiko dahil sa “glaring oversight” ng ilang opisyal ng city hall at sinabing kinastigo na niya ang mga responsable sa pag-apruba ng ad request na nagbago ng mga street signs sa Makati City.
“Humihingi ako ng paumanhin sa ating mga kababayan at sa pamilya ni dating Senate President Puyat. This signs have been taken down on my instruction.”
Kaagad namang tinanggal ng Makati local government ang mga “Gil Tulog Avenue” street signs at ibinalik sa dati nitong estado.
Ang nasabing marketing stunt ay umani ng sa samut-saring reaksyon mula sa mga netizens dahil anila sa kawalang-galang sa dating mambabatas.
“Can we all minimize our childish act kahit dito man lang? Hindi naman siguro kalabisan if Sir Gil Puyat’s family wants our respect just like how we respect and protect our name itself,” sabi ng isang netizen sa social media platform na X.
“Malaking kabastusan sa katauhan at mga nagawa ni Sen. Gil Puyat! Walang pakundangan, walang hiya!” dagdag pa ng isang netizen.
Photo credit: Facebook/MyMakatiVerified