Itinutulak ngayon ni Senador Win Gatchalian ang pag-ban sa paggamit ng selpon o anumang gadgets sa loob ng mga eskwelahan para iwas distraksyon sa pag-aaral ng mga estudyante.
Imbes na gadgets, libro dapat ang hawak ng mga bata. ‘Yan ang tugon ni Gatchalian sa kanyang balak na pag-sumite sa Senado ng nasabing total ban.
Aniya, hindi nakakatulong ang pagkakaroon at paggamit ng selpon o anumang gadgets sa loob ng eskwelahan at tuwing school hours dahil mas magiging dahilan ito para tamarin o ma-distract ang mga estudyante.
“Dapat nagbabasa sila pero nanonood ng YouTube, nanonood ng TikTok. Pinag-aaralan ko ngayon yung i-ban na yung sa mga bata lang, yung paggamit ng cellphone sa loob ng classroom at sa loob ng school hours,” saad niya sa isang news forum.
Dagdag pa niya, mayroon ng mga research hindi lamang dito sa Pilipinas ngunit sa ibang bansa na dumarami na ang bilang ng mga batang gumagamit ng gadgets habang nag-aaral na nagkakaroon ng negatibong epekto sa mga ito.
“Isa rin sa mga observation, hindi lang dito sa atin ha, pati sa ibang bansa. Marami sa ating mga bata, talagang nalululong na sa paggamit ng cellphone. Even dun sa loob ng classroom,” aniya.
Paglilinaw naman ng senador, ang ninanais niya na reporma ay para lamang sa mga estudyante sa mababang antas at puwede pa ring pahintulutan ng mga eskwelahan ang mga ito na magdala ng selpon ngunit magagamit lang nila pagkatapos ng klase.
Kaugnay nito, nais ring ipatupad ni Gatchalian ang “National Reading Month” tuwing Nobyembre para na rin mas mahikayat hindi lamang ang mga estudyante ngunit pati na rin ang iba pang Pilipino na mas magbasa ng libro kaysa gumamit ng gadgets.
“Lahat ng mga ahensya na may kinalaman, at mga institusyon, tumulong na maghikayat na magbasa ang bata… yung mga bookstores hinihikayat nating magbigay din ng discounts, kasi kailangan ding bumili ng libro.” tugon ng senador.
<h6>Photo credit: Facebook/WinGatchalian74</h6>