Tinawag ni dating bise presidente Leni Robredo ang pansin ng pamahalaang lungsod ng Naga matapos na maglabas ang huli ng isang summary report na nagsabing 200 food packs lang ang ibinigay ng Angat Buhay Foundation para sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Ayon sa kanya, malayo sa katotohanan ang datos na ito at “irresponsible” ang paglabas ng nasabing datos sa social media. Agad na tinanggal ng lungsod ang October 28 post nito matapos mag-react ang dating bise.
“We have been doing relief operations since Day 1 and to claim that we only released 200 packs in Naga will make a mockery of the sacrifices of everyone who has been helping us,” aniya.
Ayon sa Angat Buhay, nakapagbigay sila ng relief goods, hygiene kits, at hot meals sa 102,420 katao. Nakaipon din sila ng higit sa P31 milyon sa pamamagitan ng Kaya Natin movement at tumanggap ng P29.7 milyon na halaga ng in-kind donations.
Ang rehiyon ng Bicol, kabilang ang Naga, ay labis na naapektuhan ng bagyong Kristine, na nagdulot ng pagbaha, pinsala sa mga pananim at kabahayan, at pagkawala ng kuryente. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, 46 katao ang kumpirmadong nasawi sa Bicol dahil sa bagyo.
Photo credit: Facebook/VPLeniRobredoPH