Hindi na tatakbo sa Senado sa 2025 si AGRI Party-list Representative Manoy Wilbert Lee! Sa isang press conference nitong Lunes, inanunsyo ng mambabatas na umatras na siya sa karera para sa Senado at sa halip ay tututok sa muling pagtakbo ng AGRI Party-list upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang mga adbokasiya.
Kulang Sa Makinarya, Tuloy Ang Serbisyo
“Sa pag-iikot ko po sa ating bansa, napagtanto ko na hindi sapat ang makinarya na mayroon po tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating mga kababayan upang mapakilala at maipaalam ang aking mga ipinaglalabang adbokasiya. Naging malinaw sa akin na kailangan pa ng mas mahabang panahon para mapatibay ang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa natin Pilipino at maging sapat ang kahandaan at makinarya para sa matagumpay na kampanya,” pahayag ni Lee.
Ngunit nilinaw niyang hindi ito ang pagtatapos ng kanyang laban para sa sektor ng agrikultura. “Tuloy naman po sa pagtakbo ang AGRI Party-list, na lalo pang nagsusumikap sa pagtupad ng mandato bilang kinatawan ng sektor ng agrikultura at ng mas nangangailangang sektor sa lipunan. Ngayon hanggang sa matapos ang aking termino, higit ko pang tututukan ang mga itinataguyod ng AGRI Party-list kabilang na ang dagdag na suporta sa agrikultura, proteksyon sa ating mga magsasaka, mangingisda at local food producers na itinuturing nating ‘food security soldiers’, para makamit ang murang pagkain para sa lahat,” dagdag niya.
Pasasalamat Sa Suporta
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Lee sa kanyang pamilya, campaign team, mga kaibigan, at mga sumuporta sa kanyang adbokasiya. “Sa aking pamilya, campaign team, mga staff, kaibigan, sa ating mga volunteers at supporters na nagtiwala sa akin mula umpisa bilang kinatawan ng taumbayan sa Kongreso, hanggang sa paghahain ko ng kandidatura sa pagka-Senador, at higit sa lahat, sa ating Panginoon—taos-puso po akong nagpapasalamat. Kayo po ang nagsisilbing inspirasyon ko para lalong pagbutihin ang trabaho at mandatong paglingkuran ang mga Pilipino.”
Dagdag pa niya, “Sa kabila ng mga hamon, sa mga hinarap at patuloy nating hinaharap na laban, maraming salamat po sa pagbibigay ninyo ng inyong oras, lakas at dedikasyon. It has been both a humbling and inspiring experience. Kung wala po kayo, hindi po magiging posible ang mga naging tagumpay natin.”
‘Tuloy Ang Laban Para Sa Murang Pagkain At Libreng Gamot’
Bagamat hindi na tatakbo sa Senado, tiniyak ni Lee na magpapatuloy siya sa pagsusulong ng kanyang mga adbokasiya. “Hindi man ako tuloy sa pagtakbo sa Senado, patuloy ko pa ring isusulong ang aking mga adbokasiya para mapagaan ang pasanin ng ating mga kababayan para sa kalusugan at agrikultura. Wala man sa katungkulan, patuloy kong isasabuhay ang layunin kong ‘Gamot Mo, Sagot Ko!’ para mabawasan ang pangamba ng ating mga kababayan sa pagkakasakit sa takot na lalong malubog sa utang at kahirapan dahil walang perang pambili ng gamot at pambayad sa pagpapa-ospital.”
“Tuloy ang ating laban, tuloy ang laban ng AGRI Party-list sa pagpapatuloy at pagpapabuti sa mga nasimulan nating adbokasiya, sa pagtataguyod ng murang pagkain, ng libreng gamot at pagpapagamot para sa bawat Pilipino. Laban natin itong lahat!” diin ni Lee.
Photo credit: Facebook/WilbertLee2025