Isiniwalat ni Senador Win Gatchalian na malabo nang magkaroon ng DNA test sa sinasabing biological mother ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sumibat na umano ito palabas ng bansa kamakailan lamang.
Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng DNA test upang mawakasan na ang usap-usapan sa tunay na nasyonalidad ni Guo at kung dapat na bang alisin siya sa puwesto bilang mayor.
Ngunit bago pa man ang imbestigasyon, ibinunyag ng Bureau of Immigration na nakaalis na sa bansa ang itinuturing na magulang ni Guo na si Jian Zhong Guo at Lin Wen Yi o binansagang Winnie na naninirahan umano sa Valenzuela City.
Ani Gatchalian, mahihirapan na ang Senado na makakuha pa ng impormasyon sa sinasabing mga magulang ni Guo dahil maaaring hindi na bumalik ang mga ito sa bansa.
“Unang-una yung dalawa [Jian Zhong Guo at Lin Wen Yi] ay Chinese citizens. Pwedeng-pwede sila pumunta ng China at huwag nang bumalik dito. At kapag ‘yan nangyari, wala na tayong pagkakataon na patunayan na itong dalawa ay kanyang mga magulang,” saad niya sa isang interbyu sa DZBB.
Dagdag pa ng mambabatas, naging madali sa mga sinasabing magulang ni Guo ang sumibat dahil nakita sa kanilang flight records na madalas silang lumipad papalabas at papasok ng bansa.
Sa pangyayaring ito, isinaad ni Gatchalian na dapat ay magkaroon na ng dobleng seguridad sa pagproseso ng birth certificates sa bansa dahil aniya, nagiging abusado ang ilan na maaring makapahamak sa taumbayan.
“Ang nakikita kong legislative proposal dito ay i-reporma ang ating birth certificate system dahil naabuso. Maganda yung layunin na padaliin [at] simplehan pero nakikita natin na inaabuso ngayon ng mga dayuhan at ibang lahi.”
Ayon pa sa senador, ito ang posibleng nagiging dahilan kung bakit dumarami ang kaso ng mga iligal na gawain sa bansa tulad ng POGO dahil na rin nakakalusot ang ibang lahi dahil sa kanilang mga palsipikadong dokumento upang makapagpatayo ng negosyo.
“Dapat tignan lahat ng personalidad. Kasi kung titignan mo lang ang POGO at yung mga sangkot sa POGO, mga foreigner ito eh. […] So ang tanong, paano nakapasok ang mga dayuhan na ito sa Pilipinas.”