Umaksyon na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahanap sa isa pang umanong lumutang na “Alice Guo” matapos sabihing magbibigay sila ng P50,000 na pabuya sa kung sinuman ang makakapagturo sa kanyang kinaroroonan.
Sa isang press conference, sinabi ng NBI na ilang buwan na ang kanilang paghahanap sa sinasabing naka-match ni suspended Bamban, Tarlac City Mayor Alice Guo pagdating sa personal information ngunit iba ang mukha sa nakatalang registration.
Ayon sa kanilang imbestigasyon, mali ang mga impormasyong nakalagay sa registration ng nasabing indibidwal na may kaparehong pangalan at birthday ng mayora. Anila, Quezon City ang lugar na ginamit nito sa kanyang clearance ngunit nang puntahan ng kanilang team ay napag-alaman nilang walang Guo na tumira sa lugar na iyon.
Dahil dito, may suspetsiya ang NBI na maaaring konektado ang taong ito sa kinakasangkutang isyu ni Guo kung kaya’t nag-aalok sila ng pabuya sa kung sinuman ang makakapagtuturo sa isa pang Guo.
“Maaring may naginstruct sa kanya na kumuha ka ng clearance [at] gamitin mo itong [pangalan na] Alice Guo,”pahayag ni NBI director Jaime Santiago.
Dagdag pa ni Santiago, maaring sinulsulan ito ng kampo ni Guo upang maging panglito sa mga awtoridad sa kanyang tunay na pagkakakilanlan.
Matatandaang lumutang ang usapin sa indibidwal na ito matapos ilabas sa isang hearing ni Senador Win Gatchalian at Senador Risa Hontiveros ang isang NBI registration na may parehong pangalang Alice Guo at parehong birthday.
Ngunit naging kwestiyonable ito sa mga awtoridad dahil sa kanilang magkaibang fingerprints at litrato.