Umalma si La Union Governor Rafy Ortega-David sa umano’y usad-pagong na pagsisimula ng farm-to-market road sa bayan ng Santol sa kanilang lalawigan sa kabila nang pagpasa ng kumpletong requirements upang umusad ito sa Sangguniang Panlalawigan (SP).
Sa isang opisyal na pahayag sa kanyang Facebook page, nanghingi ng paumanhin si Ortega-David sa kanyang mga nasasakupan lalo na sa bayan ng Santol sa pagkakaroon ng delay sa kanyang ipinangakong Ramut-Puguil Farm to Market Road Project na tatlong buwan na aniya n’yang isinusulong sa SP.
“[N]akakalungkot na sa huling session nitong buwan ng June hindi parin nila pinapasa at inaaprubahan. Dahil hindi nila ito naipasa nitong buwan, ibibigay nalang nila ito sa ibang probinsya.”
Ngunit paglilinaw ng gobernadora, maari pang magkaron ng “special session” sa SP sa linggong ito na magiging huling pag-asa para matuloy ang nasabing proyekto para sa munisipalidad ng Santol.
Sa kabila nito, dismayado pa rin si Ortega-David sa nangyari dahil hindi aniya lubos maisip kung bakit nagkakaroon ng pagkakaantala rito sa kabila ng kanilang maaga at kumpletong pagpapasa ng requirements.
“[H]indi ako makaisip ng rason kung bakit hanggang ngayon wala parin [ang approval ng proejct]. Hindi rin naman sabihin sa akin ang dahilan kung bakit, kahit man lang sana Committee Reports kung saan nakasaad ang mga ito.”
Aniya, kahit na siya ay buntis ay nagagawa niya pa rin ang kanyang tungkulin bilang opisyal ng gobyerno kaya hindi niya lubos akalain kung bakit umabot ng humigit-kumulang tatlong buwan na nakabinbin ang nasabing proyekto.
“Three months is too long just to pass a resolution that will greatly benefit our economy and the everyday lives of our kaprobinsiaan. […] Kung gusto may paraan kung ayaw may dahilan. Matagal pa po ang eleksyon. trabaho muna sana bago ambisyon,” mariin niyang sinabi.