Todo bantay ang Philippine National Police (PNP) laban sa vote buying. Inatasan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang lahat ng pulis sa bansa na hindi lang ipatupad kundi isapuso ang “Kontra Bigay” campaign bilang suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa malinis, tapat, at patas na halalan sa Mayo 12, 2025.
“As the nation prepares for the 2025 elections, the PNP stands firm in its duty to protect the sanctity of the electoral process. Our personnel will not only implement but wholeheartedly embrace the Kontra Bigay campaign, ensuring a clean, honest, and fair election for every Filipino voter,” pahayag ni Marbil.
Mahigpit Na Bantay Sa Botohan
Ang kautusan ni Marbil ay bilang suporta sa Commission on Elections (Comelec), na naglunsad ng Committee on Kontra Bigay (CKB) noong Pebrero 7. Layunin nitong patindihin ang kampanya laban sa bilihan ng boto sa tulong ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsasagawa ng surveillance, pag-validate ng mga ulat, at mabilisang aksyon sa mga lumalabag sa batas ng halalan.
Sa ilalim ng pinalakas na Kontra Bigay 2.0, mahigpit na babantayan ang mga pinaghihinalaang kaso ng bilihan ng boto—kasama na ang pagdadala, pamamahagi ng pera, relief goods, o campaign materials na may layuning impluwensyahan ang boto ng mamamayan.
Ang sinumang mahuli sa aktong namimili o nagbebenta ng boto ay maaaring arestuhin agad ng mga awtoridad kahit walang warrant.
PNP: Makilahok At Isumbong Ang Mga Lumalabag
Bilin ni Marbil sa lahat ng yunit ng pulisya sa bansa na paigtingin ang pagbabantay, magsagawa ng information campaigns, at makipagtulungan nang malapitan sa Comelec para tiyakin ang patas na eleksyon.
“Ang PNP ay patuloy na tutugon pagpapatupad ng batas. Hinihikayat namin ang mamamayan na makiisa at ireport ang anumang uri ng pagbili ng boto o pagbebenta ng boto sa mga awtoridad,” dagdag ni Marbil.
Ayon sa Article 12 ng Omnibus Election Code, ang vote buying at vote selling ay may parusang pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon.
Para sa mga reklamo, maaaring lumapit sa Comelec main office o sa mga itinalagang Kontra Bigay Centers sa buong bansa.
Photo credit: Philippine News Agency website