Pinaalala ni Vice President Leni Robredo sa sambayanang Pilipino na huwag kalimutan ang mga naging karanasan noong kasagsagan ng Martial Law, pati na rin ang mga bumabaluktot ng katotohanan nito.
Iginiit din ni Robredo na ang katotohanan tungkol sa nangyari noong Martial Law ay kumukupas na at dapat itong baguhin at ipaglaban.
“Kapag nanahimik tayo, kapag hindi natin pinadaloy ang naratibo sa sari-sarili nating mga espasyo, pera at kapangyarihan ang magdidikta ng kasaysayan,” aniya ni Robredo.
“Kailangan nating ulit-ulitin, sa bawat pagkakataon, ang katotohanan: Sa ilalim ng rehimeng Marcos, nagdusa ang Pilipino—ninakawan, tinorture, at pinaslang; ginamit ang ngalan para ibaon ang bansa sa utang, at pagbabayaran ang utang na ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.”
Ayon kay Robredo, ang mga kasalanan ni Marcos ay hindi pa rin lubos na napagbabayaran at patuloy pa rin na sinasamantala ang kaban ng bayan.
“Diktador si Marcos, at hindi niya napagbayaran nang husto ang krimen niya; katunayan, patuloy ang pagpapakasasa ng kanyang angkan sa kayamanang ninakaw niya mula sa atin” giit ni Robredo.
Sa araw ng anibersaryo ng Martial Law, inanyayahan ni Robredo ang mga Pilipino na maging mapanuri at bantayan ang tunay na kasaysayan para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“Kasama ninyo ako sa pagpalag, sa pagbantay, at sa paggiit: Pilipino ang susulat ng kwento ng Pilipino.” Dagdag niya.
Photo Credit: Facebook/VPLeniRobredoPH