Matapang na kinundena ni House Speaker Martin Romualdez ang kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y plano niyang ipapatay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at si Romualdez mismo. Tinawag niya ang banta bilang isang “direktang banta sa demokrasya.”
“Hindi na ito biro. Isa itong mapanganib at walang precedent na banta na sumisira sa tiwala ng publiko sa ating pamahalaan,” pahayag ng lider ng Kamara.
Binanatan din niya ang tila pag-iwas ni Duterte sa mga isyung may kinalaman sa paggamit ng confidential at intelligence funds na umabot sa P612.5 milyon. Giit ni Romualdez, dapat itong harapin ng pangalawang nang may transparency at pananagutan.
“Kung wala kang itinatago, bakit hindi sagutin ang tanong? Karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan,” aniya.
Dagdag pa ng House Speaker, hindi personalan ang isyung ito kundi usapin ng tiwala at integridad ng pamahalaan.
Pinabulaanan ni Romualdez ang alegasyon ni Duterte na plano niyang sirain ang bise bilang paghahanda sa 2028 presidential elections. Giit ng pinuno ng Kamara, wala siyang interes sa ganitong uri ng pulitika.
“Ang trabaho ko bilang Speaker ay maglingkod, hindi manira,” ani Romualdez. “Piliin natin ang pagkakaisa kaysa sa hidwaan, at ang diyalogo kaysa sa bangayan.”
Sa harap ng isyung ito, nanawagan ang House Speaker sa kanyang mga kapwa mambabatas na ipaglaban ang dignidad ng Kongreso bilang isang institusyong tinig ng taumbayan. “Ipaglaban natin ang ating demokrasya,” ani Romualdez.
Photo credit: Facebook/HouseofRepsPH