Binanatan kamakailan ni Senador Bong Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sinabihang huwag itong maging mapili sa mga tinutulungang mahihirap na mamamayan.
Sa isang pahayag, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtulong ng gobyerno sa mga mahihirap na Pilipino upang makaahon sila sa gutom at kahirapan. Aniya, mahalaga ang pag-maximize ng mga kasalukuyang programa ng gobyerno, partikular ang nasa ilalim ng DSWD.
“Dapat government intervention kaagad. Kung kailangan bigyan ng ayuda, bigyan n’yo po ng ayuda. Gamitin n’yo po ang pera ng gobyerno. Nandiriyan po ang pera ng gobyerno, aprubado po ‘yan.”
Ipinahayag din ni Go ang kanyang walang patid na suporta sa mga programang naglalayong tulungan ang mga mahihirap na Pilipino, at sinabing, “I am here to support; full support po ako basta sa programang makakatulong sa mahihirap nating kababayan, sa mga kababayan nating isang kahig, isang tuka.”
“Unahin po natin ang mahihirap nating kababayan. Dapat po tutukan natin ang inflation sa ngayon. ‘Yan talaga ang pinakaproblema natin, ‘yung tumataas na presyo ng bilihin.”
Bukod dito, binigyang-diin niya na dapat gamitin ng DSWD ang kanilang pondo nang epektibo at patas, nang hindi nagpapakita ng paboritismo sa pagbibigay ng tulong. Partikular na nanawagan ang mambabatas para sa interbensyon at suporta ng gobyerno para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
“Nananawagan po ako sa DSWD nandiyan naman ang pera, itulong n’yo sa mahihirap. Don’t be selective.”
Ang AICS program, na itinaguyod niya noong termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nag-aalok ng iba’t ibang uri ng tulong, kabilang ang medikal, burial, transportasyon, edukasyon, pagkain, at tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya na tinasa at na-validate ng DSWD.
Photo credit: Facebook/senateph