Buong pagmamalaking inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa pangunguna ni Undersecretary Claire Dennis Mapa, na 11 sa 18 rehiyon sa bansa ang nakapagtala ng makabuluhang pagbaba ng poverty incidence noong 2023.
Sa nangyaring press briefing nitong Huwebes, Agosto 15, ipinahayag niya na ang 2023 full year poverty statistics ay batay sa paunang resulta ng Family Income and Expenditure Survey ng bansa.
Ayon sa ulat ng nasabing national statistician at civil registrar ng PSA, ang isang pamilya na may limang miyembro ay nangangailangan ng hindi bababa sa P13,873 na sweldo bawat buwan upang matugunan ang kanilang minimum basic food and non-food needs noong nakaraang taon. Sinasabing mas mataas ito mula sa P11,998 poverty threshold noong 2021.
Sa 11 rehiyon, nagtala ang Caraga Region ng pinaka-kapansin-pansing pagbaba ng poverty incidence na 14.9 percent noong 2023 kumpara sa 25.9 percent noong 2021. Katumbas ito ng 11 pecentage points na pagbaba ng kanilang poverty incidence.
Bukod sa Caraga, kabilang pa ang 10 rehiyong nagpakita ng pagbaba ng poverty incidence. Ito ay ang Region VII, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, Region II, Region XII, Region I, Region III, Cordillera Administrative Region o CAR, Region VI, Region VIII, at Region IV-A.
Samantala, nananatili ang NCR o National Capital Region sa pinakamababang rehiyon na may poverty incidence na mayroong 1.1 percent noong 2023.
Ngunit ayon sa naunang ulat ng PSA, bumaba ang kabuuang poverty rate ng bansa sa 14.5 percent noong 2023 mula sa 18.1 percent noong 2021.
Pagdiin ni Mapa, ang pagbaba ng bilang ng mahihirap na pamilyang Pilipino noong 2023 ay maaaring maiugnay sa pagtaas ng sahod.
“There was an increase in income [due] to more jobs,” aniya.
Sa hiwalay na ulat na inilabas ng PSA noong Huwebes, Agosto 15, iniulat din ng nasabing ahensya na noong 2023, ang average na taunang kita ng isang pamilyang Pilipino ay naglalaro sa P353,230. Mas mataas ito ng 15 porsiyento mula sa P307,190 na taunang kita noon namang 2021.
Photo credit: The Borgen Project website