Nandigan si dating Senate President Migz Zubiri na wala siyang kinupit sa kaban ng bayan matapos lumabas ang “black propaganda” tungkol sa kanyang pamumuno sa Senado.
Sa kanyang opisyal na pahayag, mariing sinabi ni Zubiri na handa siya magsampa ng cyber libel sa kung sinuman ang lumutang na mastermind sa mga paratang sa kanya noong siya ay nasa serbisyo pa.
Aniya, tila may pattern ang naglalabasang black propoganda sa kanya at sinakto na isiwalat kung kailan siya ay bumaba na sa pwesto bilang Senate President.
“It’s an obvious attempt to discredit my leadership and taint my name. And they’re funneling huge amounts of money into this campaign – from production to promotion.”
Dahil dito, ipinaliwanag ng senador na hindi siya kailanman nasangkot sa korapsyon at lahat ng kanyang pagmamay-ari ay galing sa kanyang sariling pera.
“Yung bahay ko ngayon, na wala sa Forbes, ay nabili ko noong 2009 pa po. At nasa SALN [Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth] ko po iyan,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Zubiri, ang sinabing resort sa Camiguin ay hindi para maging hideout ngunit para mapalawig ang kagandahan ng probinsya at mahikayat ang mas maraming turismo sa bansa.
“Nagpapatayo ako ngayon doon ng maliit na resort, dahil naniniwala ako sa ganda ng Camiguin at ng Northern Mindanao, at gusto kong tumulong na gawin itong top tourist destination dito sa Pilipinas.”
Dahil sa mga paratang na ito, mananagot ang nasa likod ng mga paninirang-puring ito. “So to whoever’s spreading these lies to make it look like I’m pocketing government money to buy mansions and jets, these are totally false. I hope they’re ready because I will be filing cases and will not stop until justice prevails.”
Paglilinaw pa ni Zubiri, noong siya ay tumayo bilang Senate President, isa siya sa nagsulong na paghiwalayin ng mga politiko ang kanilang source of income sa public service para maiwasan ang korupsyon.
“Matagal na ako sa pulitika, and I take pride in maintaining a clean record. Wala tayong scandals sa pera ng bayan. Kasama ba tayo sa Napoles Scandal? Hindi. Dahil hindi tayo sumang-ayon sa paglagay ng pera ng bayan sa mga private foundations.”
Pagdiin pa ni Zubiri, malinis ang kanyang record sa gobyerno dahil hindi siya nasangkot sa anumang pagnanakaw sa kaban ng bayan gaya ng Priority Development Assistance Fund issue at fertilizer scam.