Mas lumala pa ang pananaw ng publiko sa katiwalian sa bansa kahit pa bahagyang tumaas ang ranking ng Pilipinas sa 2024 Corruption Perceptions Index (CPI) ng Transparency International.
Mula sa ika-115 na pwesto noong 2023, umangat sa ika-114 ang Pilipinas ngayong 2024. Ngunit imbes na ikagalak, mas lumubha ang sitwasyon dahil bumaba ang CPI score ng bansa mula 34 patungong 33, patunay na patuloy ang kawalan ng tiwala ng publiko sa kampanya ng gobyerno laban sa korapsyon.
“The numbers don’t lie—while we may have gone up one step in the rankings, our actual score dropped. This means the perception of corruption in our country is not improving but getting worse. A higher ranking means nothing if people still see our institutions as corrupt and lacking in transparency,” mariing pahayag ni CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva.
Ayon sa Transparency International, nananatili ang Pilipinas sa ibaba ng global average CPI score na 43 at talunan pa rin sa laban kontra katiwalian kumpara sa mga kapitbahay nitong Malaysia (50), Indonesia (37), at Thailand (34). Dagdag pa rito, binigyang-diin ng grupo na bigo ang maraming gobyerno sa rehiyon, kabilang ang Pilipinas, sa pagtupad ng kanilang pangakong sugpuin ang korapsyon.
Dahil dito, iginiit ni Villanueva ang agarang pagpapatupad ng reporma sa mga institusyon ng gobyerno upang mapalakas ang pananagutan ng mga opisyal sa publiko.
“Hindi dapat hanggang salita lang ang transparency at accountability. Dapat may totoong aksyon—dapat may integridad sa paggamit ng pondo ng bayan at dapat maparusahan ang mga kurakot sa lahat ng antas ng gobyerno,” aniya.
Suportado rin ni Villanueva ang panawagan na gawing bukas at transparent ang bicameral conference committee meetings upang masigurong walang nagaganap na iligal na transaksyon sa likod ng mga pintuan.
Bilang tagapagtaguyod ng mabuting pamamahala at tamang paggamit ng pondo ng bayan, nananatiling matatag ang CIBAC Party-List sa kanilang laban kontra korapsyon.
“Ang pagbagsak ng CPI score natin ay isang malakas na sampal at babala na kailangan nating doblehin ang pagsisikap sa pagsugpo sa katiwalian. Kailangan natin ng mas mahigpit na transparency measures upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon,” pagtatapos ni Villanueva.
Photo credit: Facebook/cibac.partylist