Nanawagan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapwa Davaoeño na patuloy na suportahan ang kanyang pamilya. Sa isang malaking pagtitipon sa kanilang ancestral home sa Taal, Bangkal Village, nagpasalamat si Duterte sa tiwalang ibinigay sa kanya at sa kanyang mga anak—sina Sebastian, Sara, at Paolo—na naglingkod din sa lokal at pambansang pamahalaan.
“Wala kaming ginawang masama sa inyo,” ani Duterte, habang inalala ang kontribusyon ng kanilang pamilya sa kaunlaran ng Davao City. Pinuri niya ang mga proyektong naisakatuparan, tulad ng Davao City Coastal Road, bilang patunay ng kanilang dedikasyon.
“In my years as mayor, vice mayor, congressman, and then President, l have never forgotten your interests. (As President), the grandest that l have given you could be the (Davao City) coastal (bypass) road. Don’t abandon the Dutertes because the Dutertes had never forsaken you,” dagdag pa niya.
Kasama rin sa pagtitipon si Vice President Sara Duterte, na kasalukuyang humaharap sa tatlong impeachment complaints at mga kontrobersiya sa confidential funds. Ayon kay Duterte, ang mga kasong ito ay bahagi ng political persecution laban sa kanyang anak.
Hinimok niya ang mga Davaoeño na ipakita ang kanilang suporta kay Sara at iminungkahi na maaaring maging susunod na pangulo si Sara kung magpapatuloy ang kanilang tiwala.
Tatakbo si dating Pangulong Duterte bilang mayor ng Davao sa 2025 elections, kasama ang anak na si Sebastian Duterte bilang kanyang running mate.
Inilahad din niya ang posibilidad na ang kanyang mga apo—sina Omar at Rigo Duterte—ang magpapatuloy ng kanilang pamana. Si Omar, kasalukuyang barangay captain ng Buhangin Proper, ay tatakbo bilang kongresista, habang si Rigo ay sasabak sa city council bilang konsehal.
Photo credit: Facebook/pulongzduterte