Diretsahang binanatan ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na dapat nang sibakin sa komite si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil sa umano’y walang saysay na mga patutsada tungkol sa nagdaang Philippine Drug Agency (PDEA) ‘leaked documents’ hearing.
Nanawagan si Gadon kay Senate President Miguel Zubiri na alisin na sa serbisyo si Sen. Dela Rosa bilang chairman at miyembro ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs dahil siya umano’y nagsasayang lamang ng oras sa kanyang partisipasyon ukol sa ‘PDEA leaked documents.’
Aniya, lahat ng kanyang pahayag ay galing umano sa tsimis at sa mga naging pahayag ni ex-PDEA agent Joseph Morales na napatunayang walang sapat na ebidensya.
“Nananawagan ako kay Senate President Migz Zubiri na palitan, tanggalin na diyan sa committee na ‘yan si Bato dela Rosa dahil, nakita n’yo naman, wala naman talagang pinatutunguhan kundi gusto lang ay mag-create ng destabilization kay President Bongbong Marcos.”
Hirit pa ni Gadon, hindi nababagay maging committee ang isang senador na hindi man lamang malinaw magsiwalat ng kanyang mga pahayag sa hearing.
“Itong si Senator Bato dela Rosa ay isipin n’yo naman, he cannot even express himself in straight English. At even tagalog, mali-mali pa, o kaya’y nauutal pa. Ano ba namang klaseng senador ‘yan. Kaya dapat huwag nang gawing chairman ‘yan ng committee,” giit niya.
Sa isang Facebook post, tahasan ding sinabi ni Gadon na walang respeto ang inuutos nilang mga drug test kay Pangulong Bongbong Marcos kaugnay ng nasabing kontrobersiya. Aniya, hindi na dapat ito pinag-aaksayahan pa ng oras dahil matagal ng nasagot ang isyu na ito.
“Hindi ako sang-ayon na palagi na uutusan ang presidente magpa-drug test. Natapos na itong issue na ito, all cleared na ito, hindi pwede na tuwing may tsismis ay uutusan ang Presidente magpa-drug test. […] Napaka degrading sa posisyon at opisina ng presidente na palagi siyang uutusan.”
Dahil dito, nais niyang managot si Sen. Dela Rosa sa aniya’y nasayang na oras at budget sa hearing ng PDEA ‘leaked documents’ dahil wala umano itong patutunguhan kung wala silang matibay na ebisdensya.
“Dapat ‘yang ginastos diyan sa hearing na ‘yan ay isingil, dapat bayaran ni Senator Bato dela Rosa. Walang kakuwenta-kuwenta.”