Mariing isinusulong ni Senador Joel Villanueva ang panukalang batas para sa total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.
Inihain niya ang Senate Bill 2752 o ang panukalang Anti-POGO Act kasunod ng matapang na pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang pagbabawal ng lahat ng POGO sa bansa sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22.
Bulalas ni Marcos, ang mga POGO ay sangkot umano sa iba’t-ibang kriminal na aktibidades tulad ng scamming, money laundering, prostitution, human trafficking, kidnapping, torture, at murder.
“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglapastangan sa ating bansa,” aniya.
“Effective today, all POGOs are banned,” matapang na utos ni PBBM.
Sa isang pahayag ni Villanueva sa Kapihan sa Senado forum, sinabi ng mambabatas na tuluyan na niyang gustong wakasan ang operasyon ng POGO sa bansa sa lalong madaling panahon.
“Gusto natin mawala totally ang bakas ng POGO sa ating lipunan… This one will definitely put a period, pagtanggal ng anumang bakas ng POGO na maaari kasing buhayin ng susunod na administrasyon ‘yan… We don’t want the next administration or the future administration to invite this POGO back.”
Dagdag pa ni Villanueva, hiling niya sa pangulo na gawing priority measure ang panukalang batas na inihain niya na nagbabawal sa POGO.
“If I’d be given a chance to talk to the President, I would appeal na maging priority ito.”
Bukod sa pagpapawalang-bisa sa lahat ng lisensya ng mga POGO na inisyu ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, ipapawalang-bisa rin ng inihahaing panukalang batas ang Republic Act (RA) 11590 o ang batas na nagpapataw ng buwis sa mga POGO.
Maliban sa pagpapataw ng buwis sa mga nasa operasyon pa, wala ring kawala ang mga napasarang POGO dahil patuloy na mananagot para sa lahat ng mga buwis na dapat bayaran at babayaran sa gobyerno.
Nakapaloob sa RA 11590 na ang mga ikinandadong POGO ay patuloy na mananagot para sa lahat ng buwis na dapat bayaran at babayaran sa pamahalaan. Binigyang-diin dito na, “shall continue to be liable for all taxes due and payable to the government arising from or in connection to their operations as such, including but not limited to, income tax, business tax, value added tax, percentage tax, gaming tax, and withholding tax.”
Nakasaad din sa panukalang batas na mapaparusahan ang mga POGO na mabibigo o tatangging sumunod sa closure order laban sa kanila.
Mapapatawan ng parusang 12 taon hanggang 20 taong pagkakulong o P100 milyon na multa, o pareho ang mga beneficial owner nito, direktor, opisyal, stockholder, miyembro, o empleyado na lumalabag sa iminungkahing batas.
Kung ang nagkasala naman ay isang dayuhan, nakasaad na sila ay ipapatapon at pagbabawalan sa pagpasok sa Pilipinas pagkatapos ng kanyang sentensya.
Photo credit: Facebook/WinGatchalian74