Inilarawan ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang kanyang kasalukuyang relasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “walang label.”
Kinumpirma rin ni Duterte na hindi sila nagkikita o nag-uusap ni Marcos.
“Wala akong label sa relationship namin ngayon. Hindi na kami nagkikita at hindi na kami nagkausap,” aniya sa isang interview.
Noong Hunyo, nagbitiw si Duterte sa puwesto bilang Department of Education secretary at co-vice chairperson of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ilang araw matapos sabihing ang UniTeam tandem nila ng pangulo ay binuo lamang para sa layuning manalo sa 2022 elections..
Matatandaang nagsimula ang tensyon sa loob ng UniTeam noong 2023 nang tanggalin ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pinsan ni Marcos, si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang tungkulin bilang senior deputy speaker. Ito ang nagbunsod kay Duterte na umalis sa partido ni Romualdez, ang Lakas-CMD. Binawasan din ng Kamara na pinamumunuan ni Romualdez ang confidential fund ng Bise Presidente sa 2024 national budget.
Inakusahan naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Marcos ng paggamit ng droga sa isang rally sa Davao City nitong unang bahagi ng taon, na itinanggi naman ni Marcos. Matapos nito, hindi natuwa si First Lady Liza Araneta Marcos kay Vice President Duterte dahil sa pagtawa nito sa mga akusasyon ng kanyang ama.
Ipinahayag ng First Lady ang kanyang hinanakit sa isang panayam, at binatikos ang bise presidente sa hindi pagtatanggol sa pangulo laban sa mga akusasyon ng kanyang ama.
Photo credit: Facebook/pcogovph, Facebook/MayorIndaySaraDuterteOfficial